Nakatuon ang Filipino heritage na si Caleb Stuart na masungkit ang isang silya sa 2016 Rio de Janeiro Olympics matapos na malampasan ang record sa Southeast Asian Games sa hammer throw sa paglahok nito sa Ben Brown Meet sa Los Angeles, California kamakailan.

Ipinamalas ni Stuart, 24-anyos at may taas na 6-foot-2 na mula sa Riverside, California, ang matinding pagnanais na makuwalipika sa kada apat na taong Olimpiada matapos na itala ang pinakamalayong naihagis na 68.66 metro, na halos sigurado sa gintong medalya sa isasagawang 28th SEA Games sa Hunyo sa Singapore.

Napag-alaman kay Philippine Sports Commission (PSC) athletics consultant Andrew Pirie na malaki ang tsansa ng Pilipinas na makapag-uwi ng dalawang gintong medalya kay Stuart, lalung-lalo na sa pagbawi sa titulo sa hammer throw sa SEA Games na gaganapin simula sa Hunyo 5 hanggang 16.

Matatandaan na dinomina ng Pilipinas ang event sa pagkubra ng ginto simula pa noong 2003 hanggang 2009 na itinala ni Arneil Ferreira bago ito na inagaw ng defending champion na si Tanthipong Phetchaiya ng Thailand.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ito ang unang paghagis ni Stuart sa Ben Brown Meet kung saan ay naisakatuparan agad nito ang best throw.. Ang marka ay mas malayo ng mahigit na 6 na metro kontra sa SEA Games record na hawak ni Phetchaiya na 62.23 metro. Malayo din ito ng halos 7 metro sa Philippine record ni Ferreira, (61.69m).

Una muna nitong itinala ang pinakamalayong hagis na 67.24 metro noong Marso 28, 2014 sa Riverside. Ipinoste din nito ang second best throw na 62.82m na mataas pa rin sa SEAG at PH records.

Dahil dito ay nakatuon si Stuart na makarating sa Olympics at mapasakamay ang world standard sa hammer throw na 76.00m na posible nitong maabot sa gaganaping 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Marso 19 hanggang 22 sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.

Tangka ni Stuart na makamit din ang rekord sa shotput kung saan ay may personal best ito na 17.88 metro sa paglahok nito bilang miyembro ng Philippine Air Force (PAF), bukod pa sa event na discus.