Iginiit din ni Senator Ferdinand Marcos Jr., na kailangan nila ang investigation report ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para magkaroon ng maayos na pagdinig sa pagbalangkas ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Naunang sinabi ng MILF na sa Malaysian government lamang nila isusumite ang kanilang ulat, at bahala na ang Philippine government na humingi sa Malaysia.
Samantala, naniniwala si Marcos na may mga alam si Pangulong Benigno Aquino III na hindi pa nalalaman ng publiko kaugnay sa Mamasapano encounter noong Enero 25.
“I will always give him the benefit of the doubt maybe the President knows something that we don’t know. Sana maipaliwanag niyang mabuti, makakaunawa tayo, makakatulong sa peace process, bring back the confidence sa peace process,” ayon kay Marcos.
Aminado rin si Marcos na walang personal na paraan para makuha nila ang saloobin ni Pangulong Aquino pero sa pamamagitan ng mga pagtatanong sa mga may kinalaman sa Mamasapano, ay magkakaroon din sila ng ideya kung ano ang naging papel ng Pangulo sa insidente.
Muling ipinahayag ni Marcos na maayos at halos pareho ang ulat ng Board of Inquiry (BOI) sa kanyang personal na pagtaya sa insidente.