Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa isang uri ng pekeng antibiotic na ipinagbibili ngayon sa merkado.
Sa Advisory No. 2015-009-A, sinabi ng FDA na nakumpirma nilang isang pekeng variant ng antibiotic na Klaricid Clarithromyn 250mg/5ml granules ay counterfeit drug matapos itong ikumpara ng Abbott Laboratories sa mga rehistradong gamot.
Ang pekeng antibiotic ay mula sa Canada at may fruit punch flavor.
Sa isinagawang analysis ng pharmaceutical firm, ang pekeng gamot ay may taglay na five-character list number na “L7877” habang ang list number ng tunay na produkto ay mayroon lamang four characters na “L207.”
Sinabi pa ng Abbott Philippines na ang authentic na Klaricid ay gawa sa Indonesia at hindi sa Saint-Laurent, Quebec, Canada, tulad ng nakalagay sa label ng pekeng gamot.