Nahaharap ngayon sa kasong graft sa Sandiganbayan ang isang dating regional director ng Department of Education (DepEd) at mga kasamahan nito dahil sa umano’y paglustay ng P100 milyong pondo ng kanilang tanggapan noong 2007.

Kinasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay sina dating DepEd Regional Office 9 Director Jesus Loretizo Nieves; at mga dating opisyal ng DepEd RO9 sina Marilou Terrel Tolosa, chief accountant; Budget Officer III Melchisedech Luna Miguel; at Administrative Office V Virginia Amoncio Montero.

Sa ilalim ng Criminal Case No. SB-15-CRM-0077, inakusahan si Nieves at mga kasamahan nito ng paggamit ng P48,678,335 pondo para sa kanilang personal na interes.

Sinabi ng Ombudsman na pinalsipika ng mga akusado ang Official Receipt No. 07-12-005 para sa Zamboanga Electric Company subalit ipinalabas ng grupo na may utang pa rin ang DepEd-RO9 ng kahalintulad na halaga sa Exquisite Enterprises bagamat wala naman talagang pagkakautang ang kanilang tanggapan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sa ilalim ng SB-15-CRM-0078, ang apat ay inakusahan din ng pamemeke ng Official Receipt No. 07-12-004 na inilaan sa Philippine Long Distance Company (PLDT) subalit ipinalitaw ng apat na may pagkakautang ang kanilang tanggapan sa Aphrodite Builders ng kahalintulad na halaga bagamat wala naman silang pagkakautang sa huli.

Bukod sa dalawang graft case, naghain din ng graft case ang Ombudsman laban kay Nieves dahil sa maanomalyang pagbayad ng P4,776,786 sa Felta Multi-Media sa pagbili ng IT package material noong 2006.

Iginiit ng Ombudsman na inabuso ni Nieves ang kanyang posisyon bilang head of Procuring Entity at mga opisyal ng Bids and Awards Committee (BAC) ng DepEd RO9 sa pamamagitan ng pagpeke sa BAC resolution upang palabasin na inirekomenda ng komite ang direct contracting sa pagbayad bagamat wala namang inaprubahang resolusyon para rito.