Nanawagan ang Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) sa Office of the Ombudsman na silipin kung maaaring makasuhan ng graft at malversation ang iba pang dating mambabatas ng Caloocan City na umano’y nakipagsabwatan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Kalookan Assistance Council, Inc. (KACI) sa maling paggamit ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.

Ayon kay 4K Secretary General Rodel Pineda, nakapagtatakang nakalista rin sina dating Caloocan Reps. Luis Asistio at Oscar Malapitan sa mga hinihinalang sumablay sa paggamit ng kanilang PDAF, pero tanging si dating Rep. Mary Mitzi Cajayon ang kinasuhan sa paggamit ng pork barrel na nagkakahalaga ng P10 milyon.

Bukod kay Cajayon, napaulat na kinasuhan din ng Public Assistance and Corruption Prevention Office (PACPO) si dating DSWD Secretary Esperanza Cabral, Undersecretary Mateo Montaño, Assistant Secretary Vilma Cabrera, at Director III Pacita Sarino; Caloocan Chief Accountant Leonila Hayahay, at KACI President Cenon Mayor.

“Marami nang nakakulong sa mga mambabatas na mali ang paggamit sa PDAF pero bakit nakalulusot sina Asistio at Malapitan, na alkalde na ngayon, gayong tig-P25 milyon ang halaga na kanilang inilaan sa KACI na isang pekeng NGO?” tanong ni Pineda. “Maraming nakalistang benipisyaryo ng PDAF ang tumangging nabigyan ng tulong kaya malinaw na naibulsa nila ang pondong inilaan sa KACI.”

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nabatid na sa Special Audits Report No. 2012-03 Annex C ng Commission on Audit (COA) ay pinabulaanan ng 457 barangay chairman sa Caloocan na mayroong proyekto sa kanila ang KACI, habang 179 na nakalistang benepisyaryo ang nagsabi na wala silang natanggap na anumang biyaya, at 279 na benepisyaryo na nakalistang tumanggap ng P1.159 milyon ang hindi makita sa kanilang inilistang address.

Sa nasabi ring ulat, 2,045 lang sa 7, 231 benepisyaryo ang rehistradong botante sa dalawang distrito ng Caloocan kaya malinaw na pineke ng KACI ang ibang nakalistang benepisyaryo ng PDAF.

Sa kaso ni Cajayon, natuklasan na ang pinaglaanan ng proyekto na KACI ay walang akreditasyon bilang people’s organization at karamihan sa mga ginamit nitong supplier ay walang business permits sa Caloocan at ganito rin umano ang ginawa nina Asistio at Malapitan.