Nina BETH CAMIA at BELLA GAMOTEA

Mananatiling alkalde pa rin ng Makati City si Jejomar Erwin “Jun-Jun” Binay.

Ito ay matapos magpalabas na ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals (CA) laban sa anim na buwang suspensiyon nito na ibinaba ng Offie of the Ombudsman kaugnay sa umano’y overpricing ng Makati City Hall Building 2.

Nakasaad sa TRO ng CA, tatagal ito ng 60 araw kaya mauudlot ang pagpapatupad ng 6-month suspension order ng Ombudsman.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Subalit pinagbabayad din ng CA 6th Division si Mayor Binay ng P500,000 piyansa.

Kahapon ng umaga ay isinilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang suspension order ng Ombudsman sa Makati City Hall pero dahil sa paglalabas naman ng TRO ng CA ay naudlot ito.

Dahil dito, nabalewala agad ang panunumpa kay Prosecutor Billy Evangelista bilang acting mayor ni Makati City Vice Mayor Romulo “Kid” Peña matapos ipaskil ni DILG-National Capital Region (NCR) Director Renato Brion ang suspension order dakong 8:30 ng umaga.

Sa halip na personal na iabot sa alkalde ang kautusan napilitang ipaskil ni Brion ang limang pahinang kautusan sa gilid ng pader ng city hall.

“Nagpapasalamat kami sa CA dahil sa TRO,” pahayag ni Binay.

Una nang iginiit ni Binay na ilegal ang suspension order ng Ombudsman at itinuring nitong pakana lamang ni DILG Secretary Mar Roxas.

Matapos manumpa kay Evangelista kahapon ng umaga, sinabi ni Peña na balak nitong mag-opisina sa lumang Makati Hall Building habang nakakalat ang mga tauhan ng Southern Police District (SPD) upang pangalagaan ang seguridad sa lugar bunsod ng pagdagsa ng mga tagasuporta ni Mayor Binay.