BUTUAN CITY – Dalawang menor de edad, isang siyam na taong gulang at isang 14-anyos na ginagamit sa bentahan ng ilegal na droga, ang naaresto sa lobby ng himpilan ng Surigao City Police, ayon sa tagapagsalita ng regional police.

Dadalhin ang dalawang menor de edad sa City Social Welfare and Development Office matapos imbestigahan.

Naaresto ang dalawa dakong 4:30 ng hapon noong Linggo habang bitbit ang 10 transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na itinago sa isang kahon ng gatas at ide-deliver sana sa isang bilanggo sa nasabing himpilan, ayon kay Supt. Martin M. Gamba, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-13.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Surigao City Police, sa halagang P40 kada delivery ay ginamit umanong drug courier ang dalawang menor de edad para sa isang bilanggo sa himpilan ng pulisya.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Hindi pa tinutukoy ang pagkakakilanlan ng bilanggo dahil inihahanda pa ang mga kasong isasampa rito sa korte.

Nagsasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon sa posibilidad na may iba pang bilanggo ang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa loob ng piitan.

Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ni Chief Supt. David Y. Ombao, PRO-13 director, sa Surigao City Police ang masusing imbestigasyon sa kaparehong selda matapos na tatlong bilanggo ang nahulihan ng hinihinalang shabu. - Mike U. Crismundo