Ang dagdag-presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan noong isang araw ang nagpapaalala sa atin na sa kabila ng paminsan-minsang pagbaba ng presyo, nakatakda namang magtaas ito anumang oras, depende sa presyuhan sa pandaigdigang pamilihan at mga desisyon ng mga kumpanya ng langis. Ang fossil fuels - crude oil, natural gas, coal, atbp. - ay palagiang ginagamit sa buong daigdig at darating ang panahon na mauubos iyon. Maaari ngang malayo pa ang panahong iyon ngunit nakatakda itong dumating at kapag sumapit na ang oras, kailangang maging handa ang daigdig sa iba pang sources ng enerhiya upang mapanatili ang sibilisasyon.
Ito ang dahilan kung bakit tinatanggap natin ang ang kahit na anong bagong development na nagkakaloob ng alternatibo sa fossil fuels. Noong 2008, ipinatupad ng Kongreso ang Renewable Energy Act upang himukin ang paghahanap at development ng renewable energy sa bansa. Noon, mayroon tayong geothermal plants na nagpo-produce ng elektrisidad na gumagamit ng init mula sa ilalim ng lupa. Hanggang 2010, pangalawa lamang ang Pilipinas sa Amerika sa geothermal energy, na nagpo-produce ng 1,909 megawatts mula sa geothermal plants sa Albay, Leyte, Negros, at Mindanao.
Matagal na tayong nagpo-produce ng hydro-electric power mula sa ating mga ilog at dam. Mayroon din tayong biodiesel sa mga estasyon ng gas. Mayroon ding solar plants sa Negros Occidental at mga windmill sa Ilocos Norte na nagdadagdag ng daan-daang megawatts sa ating mga power grid. Nag-install ang mga pribadong commercial firm ng mga solar panel sa mga bubungan ng kanilang mga gusali upang mag-produce ng sarili nilang elektrisidad na kanilang kailangan.
Ang huling development sa ating paghahanap ng renewable energy ay ang wind generation technology na inihaharap ng isang Korean company - isang roof-level system na maaaring itayo sa mga gusali na may mahigit sampung palapag. Sinasabing mas mahusay ang turbine tower kaysa propeller-type projects na nag-o-operate na ngayon sa mga dalampasigan sa bansa. Maaari itong itayo ngayon sa mga gusali sa mga lungsod at bayanan.
Ang coal, oil, at natural gas ang tumutugon ngayon sa halos 70% ng pangangailangan ng bansa sa enerhiya at sa kabila nito, taglay ng ating mga isla ang napakalaking potensiyal para sa renewable energy. Napakarami nating ilog, mahahaging kapatagan at dalampasigan, volcanic sites, mga sakahan para sa biomass. Kailangan nating ipagpatuloy ang pagpapahusay sa natural renewable resources na ito upang makapag-produce ng enerhiya, hanggang sumapit ang araw na hindi na tayo aasa sa mas mahal na imported fossil fuels.