KAHIT naipangako na niya last election na pang-isang termino lang siya kaya iiwanan niya sa kanyang ka-tandem na si Vice Mayor Isko Moreno ang pamamahala sa Manila City Hall, tila binawi na ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pangakong iyon.
Malakas ang ugong at ayon sa malapit sa kampo ni Mayor Erap ay mismong ang dating pangulo na raw ang nagpahayag na tatakbo siyang muli bilang alkalde ng Maynila sa 2016.
Katwiran daw ni Mayor Erap, may mga dapat pa siyang gawin sa Maynila at may ibang posisyon naman daw kasing hinahangad si VM Isko.
Napag-alaman namin na panay ang paglilibot ngayon ni VM Isko sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas bilang presidente ng League of Vice Mayor of the Philippines. Kumbaga, may mga kaalyado raw si Isko na nagsasabing mas nababagay ang pagiging senador sa aktor, huh!
Pero sa totoo lang, sa tingin naming, kahit matagal nang ambisyon ni VM Isko na maging mayor ng Maynila ay wala siyang ibang magagawa kundi suportahan ang plano ni Mayor Erap sa marami pang nitong gustong gawin sa pangunahing siyudad ng bansa.
Samantala, ayon naman sa isang staff ni VM Isko, ang Kongreso raw sana ang pupuntiryahin ng kanyang boss pero ayaw niyang makabangga ang kaibigan at matagal na niyang kaalyado at kasalukuyang numero unong konsehal ng District 1 na si Coun. Ernix Dionsio.