Ni GENALYN D. KABILING
Hindi magtatagumpay ang anumang impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno S. Aquino III na may kaugnayan sa madugong Mamasapano operation dahil wala itong basehan, ayon sa isang opisyal ng Palasyo.
At dahil kumpiyansa rin ang Malacañang na hindi susuportahan ng mga mambabatas ang ano mang hakbang na patalsikin si Pangulong Aquino, naniniwala rin si Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na hindi nilabag ng Punong Ehekutibo ang Konstitusyon o trinaydor ang sambayanan hinggil sa naturang isyu.
“The President has kept faith with the people’s mandate. In all of his actions, he has abided by his sworn duty to preserve and defend the Constitution, do justice to every Filipino and promote the national interest,” pahayag ni Coloma sa text message.
“Fair minded representatives will find no basis for an impeachment complaint,” dagdag niya.
Ito ang reaksiyon ni Coloma sa mga ulat na tinutumbok ng ilang mambabatas ang posibilidad na maghain ng impeachment complaint laban kay Aquino dahil sa pumalpak na operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, na 44 na police commando ang brutal na pinatay.
Lumutang ang usapin sa impeachment matapos ihayag ng PNP Board of Inquiry na nilabag ng Pangulo ang chain of command matapos niyang pahintulutan ang suspendidong PNP chief na si Director General Alan LM Purisima na makialam sa operasyon laban sa wanted na Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan,” at kanyang Pinoy na kakutsaba na siya Basit Usman.
Binatikos ng Malacañang ang BOI report dahil sa pag-akusa kay Aquino na binalewala ang chain of command sa Mamasapano operation.
Una nang naghain ang iba’t ibang grupo ng impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino na may kinalaman sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program matapos itong ideklarang ilegal ng Korte Suprema.