Ilang alkalde at gobernador ang palihim na nagla-lobby sa Malacañang upang mapigilan ang pagtatalaga kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim S. Jacinto-Henares bilang bagong chairperson ng Commission on Audit (COA), dahil sa pangambang mawawalan na umano sila ng kickback sa mga proyektong imprastruktura at iba pang government projects.

Ayon sa mga source, nababahala ang mga nasabing lokal na opisyal na ang pamumuno ni Henares sa COA ay makaaapekto sa plano nilang magpayaman sa puwesto dahil may reputasyon ang komisyuner laban sa korupsiyon.

Anila, isa umanong alkalde sa Southern Tagalog ang nagpahayag ng pangamba na kung si Henares na ang mamumuno sa COA ay matutukoy ng ahensiya ang talamak na under-the-table arrangement ng mga lokal na opisyal at mga pribadong contractor kaya naman nakapagbubulsa umano ng naglalakihang halaga ang ilang pulitiko.

Matagal nang naiuulat na kumikita nang malaki sa kickback ang ilang lokal na opisyal sa pangongomisyon sa mga proyekto ng gobyerno, maaaring sa pamamagitan ng mga ghost project o sa pagpapatupad ng mga substandard pero labis ang pondo na mga serbisyo, batay na rin sa mga kasong graft na isinasampa sa Office of the Ombudsman.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hindi naman mabatid kung paanong nakalulusot sa COA auditors ang mga ganitong katiwalian.

“These anomalous fund raising schemes would surely be checked and crippled if Henares is named COA chair,” sabi ng isa sa mga source.

Iba’t ibang sektor ang nagmungkahi kay Pangulong Benigno S. Aquino III na ilipat si Henares sa COA, makaraang mabakante ang posisyon ng chairperson sa pagreretiro ni Grace Pulido Tan nitong Pebrero. Ang COA chairperson ay may fixed term na pitong taon.

Una nang itinanggi ni Henares ang mga ulat ng umano’y paglipat niya sa COA, sinabi sa isang pagpupulong ng mga opisyal ng BIR na “no offer” sa kanya at “I am here to stay”. (Jun Ramirez)