asin worker 2

Sinulat at mga larawang kuha ni LIEZLE BASA IÑIGO

DASOL Pangasinan — Sa unang pagkakataon ay ginanap sa bayan ng Dasol ang Asin Festival para mai-promote ang pangunahing produkto ng bayan at maging ng turismo.

Sinimulang planuhin noong 2007 ang Asin Festival subalit ngayon taon lamang nabigyan ng pagkakataon na maipagdiwang kaalinsabay ng kapistahan ng bayan simula Pebrero 15 hanggang 21.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kilalang nagproprodyus ng asin ang bahagi ng Western Pangasinan, at sa bayan ng Dasol ay nananatili itong kabuhayan ng mga residente kaya lalo pang pinalakas ang produksiyon. Sa ngayon ay may 200 producers ng asin ang Dasol sa walong barangay na sakop nito.

Binubuo ng 18 barangay ang Dasol, ang walo sa mga ito na gumagawa ng asin ay ang Uli, Malacapas, Magsaysay, Bobonot, Poblacion, Gais-Guipe, Amalbalan at Hermosa.

Umaabot sa 100 ektarya naman ang inilaan para sa pagprodyus ng asin at ayon kay Mayor Noel Nacar, may sekreto sa paggawa ng asin sa kanilang lugar.

Aniya, ang tubig-dagat ay inilalagay sa “salt beds” na may brick floors, at doon ito pinatutuyo sa init ng araw at saka kinakayod sa dakong hapon.

Pero bago pa man ito paagusin sa salt beds ang tubig-dagat, iniimbak muna ito sa deposito o tinatawag na salt lake at ilang araw nang naiinitan hanggang sa umaga ay simulan itong mailagay sa salt beds. Kinahapunan nagsisimulang mamuo ang asin at saka naman inaani at inilalagay sa kaing at hinahayaang maitapon pa ang natitira nitong tubig.

Kapag tuluyan nang natuyo, itatabi sa bodega o diretso nang ibebenta ng P120 bawat kaing ng sea salt sa pamilihan.

Nailuluwas sa Rehiyon 1, 2 at 3 at hanggang Metro Manila ang asin mula sa Dasol.

asin media

Ayon pa kay Nacar pinakamainam na magprodyus ng asin simula buwan ng Disyembre hanggang Abril o habang mainit ang panahon.

Maganda ang kalidad ng asin na gawa sa Pangasinan dahil sa sekreto sa tradisyunal na pamamaraan ng pagbilad sa araw ng tubig-dagat sa salt beds.

Ayon pa kay Nacar, nakatutulong din sa magandang kalidad ng asin ang kawalan ng pagmimina o kawalan ng fish pens na malapit sa kanilang lugar.

“This contributes to good salinity, thus producing the best salt,” aniya.

Itinampok naman sa unang Asin Festival sa Dasol ang mga aktibidad katulad ng “101 Uses of Salt,” “Salt Scraping Competition” at ang groundbreaking ng welcome arch. Naniniwala si Nacar na dahil sa Asin Festival ay lalo pang sisigla ang kanilang industriya at turismo.

Ang Asin Festival ay hihikayat ng marami pang bisita para matunghayan ang kagandahan ng beaches sa Dasol, katulad ng Tambobong Beach, ang pangunahing tourist destination sa Western Pangasinan.

Ang Pangasinan ay nag-ugat sa salitang “asin” at may ilang historical texts na tinawag ding “panag-asinan” na ang kahulugang ay kung saan ginagawa ang asin.