Ang Marso 15 ay World Consumer Rights Day (WCRD). Ginugunita ngayon ang araw noong 1962 nang magtalumpati si Pangulong John F. Kennedy sa United States Congress hinggil sa mga karapatan ng mamimili na nagdulot ng paglikha ng Consumer Bill of Rights. Unang idinaos ang WCRD noong Marso 15, 1983, at mula noon naging mahalagang okasyon ito sa pagpapakilos ng mga mamamayan na magkaisa sa kilusan sa buong mundo.

Nang pagtibayin ang Guidelines for Consumer Protection noong Abril 1985 ng United Nations upang patatagin ang consumer protection, walong payak na karapatan ng mamimili ang ipinatupad: Karapatang masiyahan sa pangunahing pangangailangan, karapatan sa proteksiyon, karapatan sa impormasyon, karapatang pumili, karapatang mapagpahayag, karapatan sa bayad-pinsala, karapatan sa edukasyon ng mamimili, at karapatan sa malusog na kapaligiran.

Ipinatupad ng Pilipinas ang Republic Act 7394, o ang Consumer Act of the Philippines, noong Hulyo 2, 1991, upang itatag ang mga pamantayan para sa mga negosyo at industriya at proteksiyunan ang mga mamimili laban sa mga panganib na kalusugan at kaligtasan laban sa mapanlinlang at hindi patas na pamamaraan sa pagbebenta.

Ang tema ng 2015 ay “Helping Consumers Choose Healthy Diets” upang gabayan ang mga mamimili sa malulusog na pagkain. Ang hindi malulusog na pagkain ay kaugnay ng apat sa sampung pinakamalalaking dahilan ng kamatayan sa buong daigdig: sobrang timbang at katabaan, alta presyon, high blood glucose, at mataas na cholesterol. Ang pagtaas ng mga sakit na kaugnay ng pagkain ay isa nang pangunahing public health crisis.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Pinangungunahan ng Consumers International (CI), ang pederasyon na kumikilos bilang independent voice para sa mga mamimili, at mga consumer at consumer groups sa buong daigdig, ang selebrasyon ngayon. Itinatag noong 1960, may mahigit 220 member-organization ang CI sa 115 bansa. Nananawagan ngayong taon ang World Health Organization (WHO) at mga gobyerno na magbalangkas ng isang International Convention to Protect and Promote Healthy Diets, na kahalintulad ng Framework Convention for Tobacco Control, na nakatulong sa pagpapababa ng bilang ng mga namamatay sa paninigarilyo at pagkakasakit.

Ang pandaigdigang pagtitipon ay maaaring magkaloob ng isang framework na maaaring sundin ng mga bansa tulad ng pagbabawas ng mataas na level ng taba, asugal, at asin sa pang-araw-araw na pagkain, ipagbawal ang pagmemerkado ng junk food sa mga bata, magkaroon ng mas malinaw na impormasyon upang matulungan ang mga mamimili na piliin ang mas malulusog na pagkain, at tiyakin na sumusuporta ang mga usapin sa kalakalan at pamumuhuan sa malusog na pagkain.