Isang 59-anyos na negosyanteng Filipino-Chinese ang natagpuang patay habang nakatali ang kamay at paa sa loob ng kanyang nakaparadang sports utility vehicle (SUV) sa Manila kahapon.

Kinilala ng pulisya ng biktima na si Angel Dy, 59, may-ari ng Khaga bar at residente ng Apartment F., Evacom Building, Palatanag Road, Barangay San Dionisio, Sucat, Paranaque.

Ayon kay PO2 Dennis N. Turla ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, napansin ng mga empleyado ni Dy ang kanyang Mitsubishi Montero Sport habang nakaparada malapit sa kanyang resto-bar sa P. Burgos St., Ermita, Manila dakong 2:30 ng madaling araw.

Dahil ipinagtataka ni Jizzebel Amar, 28-anyos na cashier, kung bakit nandoon pa ang sasakyan ng kanyang amo bagamat ilang oras na ang nakalipas na nagpaalam itong uuwi na sa bahay.

National

MMDA gagamit ng high-tech mobile command center sa SONA

Tumawag din ang maybahay ng biktima, na si Wan Ling Dy, 57, sa resto-bar upang tanungin sa mga empleyado kung nasaan ang kanyang asawa. Sa puntong ito ay minabuti na ng mga empleyado ng resto-bar na silipin ang Montero gamit ang flashlight at doon na bumulaga sa kanila ang bangkay ng biktima na nasa rear passenger seat.

Ayon sa isang testigo na si Anicia Labarias, 55, tindera, may nakita siyang mga lalaking nakasuot ng puting polo shirt at itim na pantaloon na bumaba sa sasakyan ni Dy dakong 12:30 ng madaling araw bago dalidaling naglakad palayo sa lugar. Nawawala umano ang cell phone, pabango, passbook, credit card at salapi ng biktima, ayon sa pulisya. - Jenny F. Manongdo