Tumatag sa kinalalagyang ikatlong posisyon ang tatangkain ng Rain or Shine sa kanilang pagtutuos ng Barangay Ginebra ngayon sa pagpapatuloy ng elimination round ng 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kasalo ng Elasto Painters ang defending champion Purefoods Star (5-3) sa ikatlong posisyon na kasalukuyan namang may laban kontra sa league leader Talk ‘N Text sa isang out of town game sa Davao City habang sinasara ang pahinang ito.
Sa kabilang dako, kabuntot naman nila ang Kings na nasa ikaapat na posisyon na hawak ang barahang 4-4 (panalo-talo), kasalo ng magtutuos sa unang laro na NLEX at Globalport.
Kapwa galing sa kabiguan, ang Elasto Painters noong nakaraang Biyernes sa kamay ng San Miguel Beer, 114-129, at ang Kings sa Road Warriors noong nakaraang Miyerkules, 90-96, tiyak na magiging dikdikan ang salpukan ng magkabilang panig na naghahangad na makabalik sa winning track para makakuha ng mas magandang posisyon papasok sa 8-team quarterfinals.
Base sa format ngayong mid-season conference, walong koponan ang uusad sa playoff round kung saan ay may bentaheng twice-to-beat ang top two teams kontra sa No. 8 at No. 7 squads habang best-of-three naman ang magiging hatawan ng koponang papasok sa No. 3 hanggang No. 6.
May tsansa pang humabol para sa top two spots, kinakailangan ng Elasto Painters na makabalik sa winner’s circle at walisin ang nalalabing dalawang laban at umasang mabigo sa huling dalawang laro ang mga nangingibabaw na Talk ‘N Text at Meralco Bolts na kapwa may barahang 6-2 (panalo-talo).
Una rito, maghihiwalay naman ng landas ang NLEX Road Warriors at Globalport Batang Pier na hangad makapagtala ng ikalimang tagumpay upang umangat sa ikaapat na posisyon kung saan ay magkakasama sila ngayon ng Kings.
Hangad ng Road Warriors na dugtungan ang naitalang tatlong sunod na tagumpay, ang pinakahuli ay kontra sa Kings noong Marso 11 sa Ynares Sports Center sa Antipolo, 96-90.
Gaya ng dati, aasahan ng NLEX ang masipag na import na si Al Thorton na nagtala ng 50 puntos sa nakaraang laban nila ng Kings kasama ng mga beteranong lokal na sina Asi Taulava, Mac Cardona, Rico Villanueva at KG Canaleta.
Para naman sa Batang Pier, target nilang makabangon mula sa huling kabiguan sa Tropang Texters noong Marso 1, 88-96.