Sinabi ng Malacañang noong Biyernes na nais ni Pangulong Benigno S. Aquino III na mas mapabilis ang rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong `Yolanda’.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, sinabihan ng Pangulo ang mga ahensiyang may kinalaman sa rehabilitation efforts na kumuha ng progress report sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng Yolanda.
Nakipagpulong si Pangulong Aquino sa mga ahensiya ng gobyerno noong Huwebes upang pag-usapan ang pagsulong ng rehabilitasyon sa mga nasabing lugar.
“The President wanted to make sure, wanted to receive progress updates on Yolanda rehab,” ani Valte, sinabing nabisita na ng heads of state ang mga lugar na tinamaan ng bagyo, na ang huli ay si Prince at Grand Master Fra’ Matthew Festing ng Order of Malta.
Gayunman, hindi inilahad ng opisyal ng Palasyo kung napag-usapan sa pulong ang ulat ng Commission on Audit (COA) sa P48.8-milyon pondo.
Una nang sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. na walang dapat ipag-alala tungkol sa COA report dahil patuloy ang gobyerno sa pagsasagawa ng rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng Yolanda.
Iniulat ng COA na ang P49.8 milyon na local at foreign donations para sa mga nabiktima ng Yolanda ay nananatili sa mga bangko.