ZAMBOANGA CITY – Humihingi Abu Sayyaf Group-Urban Terrorist Group ng P10 milyon na ransom bilang kapalit sa pagpapalaya sa dalawang guro ng pampublikong paaralan na dinukot noong Marso 5 sa Talusan, Sibugay.

Sinabi ni Zamboanga City Police Director Senior Supt. Angelito Casimiro na ipinaalam ng bandidong grupo sa pamilya ng dalawang kidnap victim – na sina Reynadit Silvano, 34; at Russel Bagonoc, 22 – ang P10 milyong ransom.

Tinangay umano ng ASG sina Silvano at Bagonoc sa bulubunduking lugar sa Basilan.

Dinukot ang dalawang public school teacher ng anim na armadong lalaki habang sila ay patungo ng Tuburan Elementary School sa Barangay Moalboal, Talusan noong Marso 5.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Kinalaunan ay nakilala ng pulisya ang ilan sa mga kidnapper na magkakapatid na sina Naim, Mansul at Amadan Sabdani, residente ng Barangay Moalboal, Talusan; at Edimar Isnain.

Sinabi ni Casimiro na ipinarating na nila sa kaalaman ni Sibugay Gov. Wilter Palam hinggil sa insidente ng pagdukot at P10 milyon ransom na hinihingi ng mga kidnapper.

Noong Miyerkules, pinalaya ng mga bandido ang isa pa nilang kidnap victim sa Jolo, Sulu, na si Allyn Muksan Abdujarak, 44, ng Jolo School of Fisheries. - Nonoy E. Lacson