Kasabay ng pagpuri sa Board of Inquiry (BOI) report sa Mamasapano incident, muling ipinaalala ni dating Senador Panfilo Lacson na dapat nang magtalaga si Pangulong Benigno S. Aquino III ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).

Pinuri ni Lacson ang lahat ng kasapi ng BOI sa pagsisiyasat nang walang kinatatakutan at walang pinapaboran kahit pa mga aktibong opisyal ang mga ito ng PNP at maaaring masakripisyo ang kani-kanilang career sa resulta ng imbestigasyon.

“Dapat papurihan ng sambayanan ang BOI at ang lahat ng nasa likod nito sa kanilang propesyonalismo sa pagganap sa wastong trabaho para lumabas ang katotohanan,” ani Lacson. “Tinapos nila ang trabaho na nagresulta ng lohikal na konklusyon nang walang kinatakutan at walang pinaboran kahit sino pa ang posibleng masampahan ng mga kasong kriminal at administratibo at usigin ng batas.”

Muli niyang nilinaw na walang hadlang para magtalaga si Pangulong Aquino ng bagong pinuno ng pulisya matapos nitong tanggapin ang pagbibitiw ni dating PNP chief Director General Alan Purisima.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Isa ring dating PNP chief, sinabi ni Lacson na ang kawalan ng leader ng pulisya ay naging hadlang sa promotion ng ilang opisyal na nakaaapekto sa kanilang moral, lalo dahil may mga alegasyon laban kay Purisima.

“Dapat nang pumili si Pangulong Aquino ng kapalit ni Purisima. May impact siyempre sa moral ang kawalan ng PNP chief. Imagine, ‘yung chief na under preventive suspension and then may OIC nga but they (policemen) also know that he’s just an OIC,” sinabi ni Lacson, na nilinis ang hanay ng pulisya noong siya ang PNP chief.

“As I had suggested earlier, dapat this early pa lang, pumili na sila ng next chief PNP. Because let’s face it, whatever is the outcome of the investigation or the suspension or the case in the Ombudsman, may impact ‘yan,” diin ng dating senador.

Hindi rin makita ni Lacson ang lohika sa paliwanag ng Malacañang na hindi pa mapalitan si Purisima dahil hindi pa ito nagreretiro.

Ayon kay Lacson, ang posisyon at ang ranggo ay magkaiba at maraming pagkakataon na nagtalaga ang Malacañang ng PNP chief na hindi four-star general, gaya nang maupo sa tungkulin si ex-Chief Supt. Roberto Lastimosa noong 1998 kahit hindi pa nagreretiro noon si dating PNP chief Santiago Alinio.