Dahil inabot ng walong taon bago naisampa ang kaso laban sa kanila, ibinasura ng SandiganbayanThird Division ang asunto na inihain laban sa dating mayor ng Lucban, Quezon na may kaugnayan sa winasak na estatwa ng isang bayani ng kanilang bayan, na mula sa angkan ng kanyang kalaban sa pulitika, noong 2004.

Sa 14-pahinang resolusyon, inaprubahan ng anti-graft court ang motion to quash na inihain ni dating Lucban Mayor Moises Villaseñor at kanyang dating Executive Assistant Joselito Avila at ibinasura ang kasong destroying or damaging statues, public monuments or paintings tulad ng nakasaad sa Article 331 ng Revised Penal Code.

“Plainly, the preliminary investigation of the case took more than eight long years to finish,” nakasaad sa resolusyon na isinulat ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, Associate Justices Alex Quiroz at Samuel Martires.

Iginiit ng tatlong mahistrado na nakasaad sa Konstitusyon ang karapatan ng isang akusado sa mabilis na paglilitis ng kanyang kaso at “ang pagkakaantala ng mahigit sa walong taon sa pagdedesisyon sa kaso ay hindi makatarungan para sa inaakusahan.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sina Villaseñor at Avila ay inakusahan ng pasira noong Disyembre 2004 ng estatwa ni dating Quezon Vice Governor Horbart Dator Sr., na nakatirik sa harapan ng munisipyo ng halos 20 taon.

Si Darot ay kinikilalang bayani sa kanilang lalawigan matapos pangunahan ang mga gerilya sa paglaban sa puwersa ng Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaidig.

Ang angkan ng Dator ay kilala ring kalaban sa pulitika ng mga Villaseñor, kabilang ang kasalukuyang mayor ng isang bayan na si Oliver Dator at dati ring mayor na si Serafin Dator. - Jeffrey G. Damicog