Nanindigan kahapon ang Malacañang sa all-out offensive ng militar laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa harap ng dumadaming evacuees na apektado ng mga paglalaban.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na ang paglikas ng mga sibilyan ay epekto ng paglalaban.
“Unfortunately, kinailangan pong ma-extend at maganda naman po ‘yung nagiging resulta rin ng operations ng AFP,” sabi ni Valte.
“It’s a delicate balance that government has to weigh and ‘yung continued operations ng AFP (Armed Forces of the Philippines) against these lawless elements unfortunately has the by-product of the displacement, but government continues to do its best,” dagdag niya.
Gayunman, tiniyak niyang natutugunan ng gobyerno ang lahat ng pangangailangan ng mga lumikas.
“Again, we will just continue to strive to provide more services to those who are affected and again, to prioritize their safety first and foremost,” ani Valte.
Siniguro ng opisyal na prioridad ng gobyerno ang kaligtasan ng mga sibilyan.
“Ang priority naman siyempre ng AFP diyan is ‘yung safety nung civilians so talagang nagkakaroon po ng displacement. On the side of government, hinahabol na po natin ‘yung pagbibigay na lang ng kalinga dito sa mga nadi-displace na pamilya pong ito,” sabi ni Valte.
Sinabi ni Valte na batay sa huling bilang, may 56,000 katao sa 44 evacuation center. Nasa 8,500 naman ang nasa labas ng mga evacuation center.
Aniya, maging ang mga hindi tumutuloy sa evacuation center ay pinagkakalooban ng tulong, hindi lang pagkain kundi maging serbisyo medikal, counseling, at iba pa.
Naglunsad ang militar ng matinding opensiba upang pulbusin ang BIFF, isang breakaway group mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasunod ng engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong Enero 25, 2015, sa misyong arestuhin ang dalawang kilabot na teroristang sina Abdulbasit Usman at Zulkifli Bin Hir, alyas Abu Marwan.
Napatay si Marwan pero nakatakas si Usman at patuloy na tinutugis ng militar.