Nakahanda ang baguhang Philips Gold na magsakripisyo sa pagpapahiram sa prized rookie at tinanghal na 2015 Philippine Superliga (PSL) overall top draft pick na si Fil-American Iris Tolenada upang maglaro sa pambansang koponan.

“We are willing na ipahiram siya sa national team kung hindi pa sila nakakapagbuo,” sinabi ni Philips Gold head coach Francis Vicente, matapos na opisyal na makuha ang karapatan ng 23-anyos na Fil-American na laking San Franciso, California sa isinagawang 2015 Philippine Superliga Annual Rookie Draft.

“She will be a good addition to the national team. I believe in her talent and abilities as well as her command inside the court,” pagmamalaki ni Vicente, na naging head coach ng Philippine Men’s Team na itinala ang pinakamataas na ikapitong puwesto sa ginanap na AVC Men’s Club Championship sa bansa.

“Near perfect ang kanyang games at mahusay siya sa pag-set ng plays,” sinabi pa ni Vicente sa na-recruit nito na ang ama ay mula sa Baler, Quezon at ang ina ay mula sa Tarlac.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Si Tolenada ay naglaro sa San Francisco State University kung saan ay tinanghal siya bilang Most Valuable Player (MVP) sa California Collegiate Athletic Association (CCAA).

Ikinatuwa naman ni Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) president at Philippine Olympic Committee (POC) 1st Vice-president Jose “Joey” Romasanta ang pagtulong ng kompanya na pinamamahalaan ni Atty. Eric Anthony Ty para maiangat pa ang kalidad ng volleyball sa bansa.

“It is a good sign for the volleyball community na tumutulong ang bawat isa para maingat natin muli ang ating bansa sa internasyonal na komunidad at sa ranking natin. We hope other could help also,” pahayag ni Romasanta.

Matatandaan na hindi pinalampas ng Philips Gold ang Filipino-American setter sa pagkuha nito bilang top overall pick sa Philippine Superliga (PSL) Annual Rookie Draft na isinagawa sa 3rd level ng SM Aura sa Taguig City noong Huwebes ng hapon.

Si Tolenada ay isa lamang sa napili kasama ang homegrown players sa makulay na seremonya na sinuportahan nina Taguig City Mayor Lani Cayetano at Cong. Lino Cayetano sa tulong ng SM Management.

Makakasama ni Tolenada sa Philips Gold ang pamatay na frontline nina Michelle Gumabao, Rosanne Fajardo, Leuseth Dawis at kapwa rookie na sina Myla Pablo at Desiree Dadang, na kinuha sa ikalawang round.

Ikalawang napili ang 6-foot at malakas pumalo at middle spiker na si Angeli Araneta na namuno sa University of the Philippines (UP) sa pagtala ng panalo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Si Araneta ay napapunta sa Foton Tornadoes bilang second pick habang ang libero na si Rica Enclona na mula sa College of St. Benilde (CSB) ay kinuha ng Cignal bilang ikatlong pick.

Napunta si Rizza Mandapat ng National University (NU) sa Shopinas bilang ikaapat na pick at open spiker na si Therese Veronas ng De La Salle na sinungkit ng expansion team na Shamac bilang fifth pick. Ang magandang open spiker at Fil-Am na si Alexa Micek na mula North Carolina ay dinakma ng Petron bilang ikaanim at huling pick sa unang round.

Matapos kunin ng Philips Gold si Dadang sa ikalawang round ay binitbit ng Foton ang libero na si Denise Lazaro ng Ateneo habang ang Cignal ay nagkasya kay Diane Ticar ng Arellano. Hinugot ng Shopinas si Djanel Cheng ng CSB habang isinama ng Shacman si Samantha Dawson na mula sa FEU.

Huling kinuha ng Petron si Ivy Perez ng NU bilang ikahuling manlalaro sa draft.