Hindi ko makita ang lohika sa walang puknat na all-out war na inilulunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga bandidong Bansamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mindanao. Katakut-takot na ang mga napapatay na mga rebelde, bukod pa rito ang mga nasusugatan; ganito rin ang sinasapit ng mga kasundaluhan. At ang mga sibilyan ay nakikipaghabulan upang makaiwas sa crossfire.
All-out war nga ba ang remedyo upang matamo ang pangmatagalang kapayapaan na dapat maghari hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas? Kailanman at saanman, walang nagwawagi sa anumang uri ng digmaan. Pare-parehong talo. Ito ang paniniwala ng marami. Ang kailangan ay paglulunsad ng isang uri ng rebolusyon na walang dadanak na dugo; na ito ay lalahukan ng kapuwa mga Muslim at Kristiyano. Ito ang industrial revolution, economic revolution at agricultural revolution. Lalong paigtingin ang pagtatayo ng iba’t ibang industriya sa Mindanao, tulad ng mga pabrika at negosyo na makapagbibigay ng trabaho sa sambayanan; kailangang magkaroon na mapagkakakitaan. Ang karalitaan ang malimit na nagiging mitsa ng kaguluhan.
Sa paglulunsad ng agricultural revolution. Mapag-iibayo ang pag-aani ng iba’t ibang pananim na tulad ng mais, at palay at ng mga namumungang punongkahoy o fruit trees. Ito ang nais ipanukala ng mga eksperto sa pagsasaka at sa pagpapabunga ng mga halaman na tulad ni Dr. Ismael Bernardo Dizon. Bilang isang kilalang pomologist sa bansa, nais niyang hikayatin ang mga Muslim na magtanim ng mga fruit trees na tulad ng rambutan, lansones, durian at ang ipinagmamalaki niyang latex-free jackfruit o langka na walang dagta. Ang naturang mga prutas ay madaling pamungahin at ito ang maaaring itanim sa mayamang lupain ng Mindanao at madali niyang mahihikayat at matuturuan ang ating mga kapatid sa Mindanao, lalo na ngayon na siya ay isa nang Muslim. Sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya na isinagawa ng isang Imam, siya ay pinangalanan bilang Dr. Ismael Bernardo O. Dizon.
Sa kanyang pagsisikap – kabilang na ang mga magtatayo ng mga industriya at negosyo – ang Mindanao na laging tinataguriang lupain ng pangako ay magiging isa nang lupain ng natupad na pangako. Ang rebolusyong hindi ginagamitan ng armas at walang dumadanak na dugo ang kailangan sa pagtatamo ng minimithi nating kapayapaan sa Mindanao