Tinuldukan na ng Supreme Court (SC) ang anumang katanungan hinggil sa kuwalipikasyon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa pagtakbo nito sa pagka-mayor ng Maynila noong 2013, nang tanggihan nito ang isang motion for reconsideration sa naging desisyon nito.
Itinaguyod ng korte ang orihinal nitong 13-0 ruling na ang pardon na iginawad ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kasong plunder ni Mayor Erap noong 2007 ay absolute. Nakatadhana sa Section 40 ng Local Government Code na ang sinumang nahatulan para sa “any offense involving moral turpitude or an offense punishable by one year or more of imprisonment” ay hindi maaaring tumakbo sa kahit na anong local elective post. Ngunit tinanggal ng presidential partod ang diskuwalipikasyong iyon para kay Estrada.
Sapagkat papalapit na ang 2016 presidential elections, lumalawak ang usapin hinggil sa posibleng mga kandidato sa pagkapangulo na hahalili kay Pangulong Aquino. Inihahanda ng Liberal Party si Secretary Mar Roxas, samantalang sinasabing kinokonsidera ng Nacionalistas si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at maaaring sinisipat ng PDP-Laban si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Inanunsiyo naman ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang kandidatura maraming buwan na ang nakalilipas.
Laging lumulutang ang pangalan ni Mayor Erap sa mga espekulasyon hinggil sa mga posibleng kandidato para sa 2016, lalo na’t pinagtibay na ng SC ang kanyang kuwalipikasyon na tumakbo sa pagkaalkalde ng Maynila. Kailangang bigyang-diin na kung tatakbo si Erap sa pagkapangulo, maaaring harapin niya uli ang SC, ngunit sa pagkakataong ito, sa ilalim ng isang probisyon ng Konstitusyon.
Bahagi ng Section 4 ng Article VII, Executive Department, of the Constitution ang nagsasabi: “… The President shall not be eligible for any reelection. No person who has succeeded as President and has served as such for more than four years shall be qualified for election to the same at any time.”
Ang kalawang bahagi ng probisyong ito ay nagbibigay ng pag-asa sapagkat hindi hindi nakapaglingkod si Pangulong Estrada nang higit pa sa apat na taon dahil sa impeachment na nauwi sa EDSA 2, hindi siya saklaw ng ban. Ngunit may naunang sentensiya tungkol sa Pangulo na hindi kuwalipikadong tumakbo sa kahit na anong reeleksiyon.
Si Pangulong Estrada, na nahalal noong 1998, ay tumakbo nga sa pagkapangulo uli noong 2010, nagtapos na pangalawa kay Pangulong Aquino. Ngunit hindi siya sinita sa panahon ng kampanya. Isang kaso na kumukuwestiyon sa kanyang eligibility na tumakbo ay isinampa pagkatapos lamang ng eleksiyon, ngunit dinismis ito ng Supreme Court sa pagiging moot ang academic dahil hindi naman siya nagwagi.
Asahan nating lalawak pa ang mga usapin tungkol sa eleksiyon sa susunod na mga buwan. Matapos ang mapait na pangyayari nitong nagdaang mga linggo hinggil sa Mamasapano incident, maaari na tayong mag-move on – pagkatapos, siyempre, mailabas ang isang makatarungang resolusyon ng lahat ng isyung kaugnay ng kaso. Maaaring makatulong ang eleksiyon sa pagpapanumbalik sa normal ang ating pambansang pamumuhay.