Magmula sa basketball at cycling, pinasok na rin ng grupo ng sports patron at tinaguriang Cycling's Godfather ng bansa na si Bert Lina ang larangan ng women's volleyball.

Ang Shopinas, isa sa kompanya ng Lina Group of Companies na minsan na ring dinala ang kanilang basketball team sa PBA, ang isa sa mga koponang lalahok sa darating na 2015 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Cup 2015 na magbubukas sa Marso 22 sa MOA Arena.

Nag-takeover sa dating koponan ng Generika, ang Shopinas ay nasa ilalim ng pamamahala ng pinakabatang anak ni Lina na si Shiela bilang pangulo at CEO.

"We want to give equal opportunity to the other gender. At saka iba naman siya sa cycling at basketball," pahayag ni Lina.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

"At saka sabi ng tatay ko lumalaki na rin ang interes sa volleyball and besides nakapag-sponsor na rin naman kami sa PSL kaya noong ini-offer sa amin na magkaroon ng team, and since logistics kami and where catering on fashion and women, sabi niya why don't you try?," dagdag pa nito.

At dahil kababaihan naman ang karaniwang tumatangkilik sa Shopinas, ito ang kanilang ginamit sa halip na Air21 na siyang naunang sumalang sa cycling at basketball.

Tatawagin ang koponan na Lady Clickers na gagabayan ni dating Generika coach at La Salle mentor Ramil Cruz at pamumunuan ng mga dating Lifesavers players na sina Stephanie Mercado, Charlene Cruz, Mic-mic Laborte, Melissa Gohing, at mga draftees na sina dating National University (NU) hitter Rizza Mandapat at dating St. Benilde player Dhanel Cheng.

"We want to support sports particularly volleyball. We want to learn first as much as we can. We will support our players and coaching staff but we are not expecting too much from them " ayon pa kay Lina.