Nakakomisyon din sina Senador Loren Legarda, Vicente “Tito Sen” Sotto III at Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa negosyanteng si Janet Lim Napoles kaugnay sa multi-bilyong pisong pork barrel fund scam.

Ito ang ibinulgar ng whistleblower na si Merlina Sunas sa pagpapatuloy ng pagdinig sa bail petition ni Napoles sa Sandiganbayan Third Division.

Sa kasalukuyan, ang mga kinasuhan ng mambabatas sa Sandiganbayan matapos idawit sa anomalya sa pork barrel fund ay sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Ramon “Bong” Revilla Jr.

Nahaharap din sa kasong graft ang mga dating kongresista na sina Rizalina Seachon-Lanete, Constantino Jaraula, Rodolfo Plaza at Samuel Dangwa.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Nang tanungin ni Asssociate Justice Alex Quiroz kung may iba pang mga mambabatas na nakipagtransaksiyon kay Napoles sa ilegal na paggamit ng pork barrel fund, tinukoy ni Sunas ang dalawang nagngangalang “Ortega,” dalawang “Estrella,” Cagaz, Olanio, Fuentebella, Rufus Rodriguez at Maximo Rodriguez.

Napansin ni Quiroz na nagiging “selective” si Sunas sa pagtukoy lamang sa mga hindi miyembro ng Liberal Party.

“You mean to say that all Liberal Party members are saints and non-members are sinners?” tanong ni Quiroz kay Sunas.

Nang banggitin ni Associate Justice Samuel Martires ang pangalan nina Pangulong Benigno Aquino III, Senate President Franklin Drilon, House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte at Sen. Teofisto Guingona Jr., sinabi ni Sunas na hindi sila nakipagtransaksiyon kay Napoles.

Iginiit din ng whistleblower na kapwa nakipagtransaksiyon din sina Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon at anak nitong si dating Customs Commissioner Ruffy Biazon kay Napoles hinggil sa pork barrel fund.