MAKATI_CITY_HALL_02_BALMORES_140315 (for Page 2) copy

Ni BELLA GAMOTEA at ROMMEL P. TABBAD

Namuo ang tensiyon sa Makati City Hall Building 2 nang magbarikada ang libu-libong tagasuporta ni Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay upang hadlangan ang pagsisilbi ng 6–month suspension order na inilabas ng Office of the Ombudsman laban sa alkalde.

Ayon sa ilang opisyal ng Makati, maging si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, na kaalyado ni Vice President Jejomar C. Binay, ay nagpadala ng kanyang tauhan sa Makati upang magbigay suporta kay Jun-Jun Binay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dahil sa pagdagsa ng mga Binay supporter, sinuspinde ni Makati Regional Trial Court (RTC) Judge Selma Alaras ang pagdinig sa mga korte sa Hall of Justice matapos isara ang main entrance ng munisipyo kasunod ng ipinataw na anim na buwang suspensiyon ng Ombudsman laban kay Makati Mayor Jun-Jun Binay at 14 iba pa kaugnay sa umano’y iregularidad sa itinayong Makaty City Hall Building 2.

Nabatid ang pag-akyat ng elevator ay nilimitahan ng hanggang ika-17 palapag lamang kaya kailangang akyatin pa gamit ang hagdanan ang apat na palapag para marating ang tanggapan ng alkalde sa 21st floor.

Ang mga korte naman ay nasa ika-10 hanggang ika-19 palapag ng Makati City Hall Building 1.

Nananatiling nagkakampo ang mga tagasuporta ni Mayor Jun-Jun sa labas ng city hall at napasugod naman ang ilang miyembro ng United Nationalist Alliance (UNA) sa tanggapan ng alkalde upang bigyan siya ng gabay at suporta sa kinakaharap nitong suspensiyon lalo na’t may legal na opsiyon para pigilin ang nasabing desisyon ng Ombudsman.

Samantala, nagbanta ang Office of the Ombudsman na ipako-contempt at ipaaaresto nito si Mayor Binay kaugnay ng patuloy na pagmamatigas nito na manatili sa kanyang puwesto sa kabila ng inilabas na suspension order ng anti-graft agency kaugnay ng umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2.

Sinabi ni Asst. Ombudsman Asryman Rafanan, isasampa ng kanilang ahensya ang petition for contempt sa regional trial court na siyang magpapalabas naman ng arrest order sa mga hindi susunod sa kautusan ng Ombudsman.

“The Ombudsman has the power to cite a person in contempt if he disobeys an order of the Ombudsman,” sabi ni Rafanan.

Hindi naman natinag ang kampo ng alkalde sa banta ng Ombudsman at sinabi ni Binay na hinihintay pa nila ang kanilang isinampang petisyon sa Korte Suprema sa hiling nilang temporary restraining order sa suspension order ng Ombudsman.