Laro ngayon: (MOA Arena)
1 pm awarding ceremonies
3:30 pm La Salle vs. Ateneo
Ganap na mawalis ang finals series at makamit ang asam na back-to- back championships ang tangkang maisakatuparan ng defending champion Ateneo de Manila University (ADMU) sa muli nilang pagtuutuos ng archival na De La Salle University (DLSU) sa UAAP Season 77 women’s volleyball tournament.
Magtatagpo ang Lady Eagles at ng Lady Spikers sa ganap na alas-3:30 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City matapos ang awarding ceremonies na magsisimula sa ala-1:00.
“Let’s see what will happen on Saturday, but we promise to go all out there and play our best,” pahayag ng Ateneo skipper at league back-to-back MVP na si Alyssa Valdez na hindi maitago ang simpatyang nararamdaman para sa katunggaling La Salle sanhi ng pagka-injured ng top hitter at defender nitong si Ara Galang na nasundan pa ni Camille Cruz.
Para naman sa kanilang team manager na si Tonyboy Liao, gagawin nila ang lahat para matapos na ang serye.
“Siyempre gusto na ring makapagpahinga ng mga bata,” ayon kay Liao.
Pinanindigan naman ni coach Tai Budit ang sinasabing paglalaro ng Lady Eagles na masaya at focus para makamit ang panalo.
“If they continue to play happy and focus, they will win,” pahayag ng Thailander coach ng Ateneo na tinuruan din ang kanyang mga player ng meditation habang nasa laban para aniya manatiling focus sa dapat gawin at makaiwas na masaktan.
Kahit naman natalo sa unang laban at nadagdagan pa ang injured player, hindi naman basta na lamang susuko ang La Salle.
“Hindi pa naman tapos ang laban at saka bilog ang bola kaya mayroon pa rin kaming tsansa,” pahayag naman ni Cyd Demecillo na siya na ngayong nagsisilbing lider para sa Lady Spikers.
Samantala, pararangalan ngayon ang lahat ng individual top performers ng Season 77, kapwa sa men’s at women’s divisions, na pangungunahan ng MVPs at Ateneo players na sina Alyssa Valdez at Marck Espejo.