Ipagpapatuloy natin ngayon ang pagtalakay sa mga habit na magpapatanda agad sa hitsura natin. Binaggit natin na ang pagiging mahilig mo sa matatamis na pagkain ay maaaring magpatanda sa hitsura mo agad. Ipinaliwanag sa British Journal of Dermatology na may kinalaman ang asukal sa pagkasira ng protina sa dugo tulad ng collagen at elastin na responsable sa pagkatibay at pagka-elastic ng balat.

Narito ang isa pang habit na nagpapatanda sa hitsura...

Lagi kang pagod. - Mayroon akong naging boss. Siya ay isang magaling na abogada. Sa kanya umaasa ang pangulo ng korporasyong pinaglilingkuran ko sa lahat ng legal concern. Ang boss kong ito ay maaga kung pumasok ngunit ang ilaw na lamang ng kanyang opisina ang nananatiling nakasindi sa lalim ng gabi bukod sa guardhouse. Umuuwi pa ba siya? Oo naman. Pero para matulog ng apat na oras dahil maaga rin siyang bumabangon para asikasuhin ang pagpasok sa eskuwela ng lima niyang anak. Sa edad niyang 45, mukha siyang 54 (walang biro) dahil malamlam ang kanyang mga mata, malalim ang mga guhit sa kanyang noo at pisngi bunga ng walang patumanggang pagtatrabaho, umaga hanggang gabi.

Kapag pagod o may stress ka, hindi maganda ang iyong pakiramdam – maging ang pinagmulan ng pagkapagod niyon ay sa patung-patong na proyekto, o miserableng pagko-commute patungong opisina, o problema sa bahay, atbp. – at may matibay na ebidensiya kung bakit hindi ka dapat mapagod nang sobra. Pinararami ng stress o pagod ang hormones na cortisol at norepinephrine sa dugo, pinalalakas ang blood pressure at sinusupil ang immunity. Habang humahakbang ang panahon, dahil hindi nawawala ang stress, bumabagal ang proseso ng paghilom, pinatitigas ang mga ugat, at malamang na pinalilit ang ilang area ng utak na may kinalaman sa pag-aaral, memorya, at mood – O, di ba, pakiramdam mo matanda ka na!

Probinsya

Dahil sa 5.8-magnitude na lindol: Kalsada sa Liloan, Southern Leyte, nagkabitak-bitak!

Hindi nawawala agad ang stress, ngunit sa paraan ng pangangasiwa mo ng iyong araw-araw na gawain ay maaaring makapagpanatag ng iyong hormones. Ang paghinga ang malalim ay ang pangunahing anti-stress ayon kay Dr. Andrew Weil ng Prevention.com. Gawin ito sa loob ng dalawang minuto lalo na kapag nakadarama ka ng pagod, pagkainis, pagkaantok at katamaran.

Mayroon pa bukas.