ZAMBOANGA CITY – Agad ding pinalaya ng Abu Sayyaf ang isang guro sa pampublikong paaralan makaraang bihagin ng grupo sa loob ng siyam na oras sa kagubatan ng Indanan sa Sulu.

Iniulat ng Sulu Police Provincial Office na pinalaya na ng Abu Sayyaf si Allyn Muksan Abdurajak, 44, ng Jolo School of Fisheries, dakong 3:30 ng umaga nitong Miyerkules.

Dinukot si Abdurajak ng dalawang miyembro ng Abu Sayyaf sa Barangay Kajatian sa Indanan, dakong 6:10 ng gabi nitong Martes.

Ayon sa pulisya, pinalaya si Abdurajak matapos ang tuluy-tuloy na negosasyon ng pamilya ng huli sa mga kidnapper.

DSWD, ipinag-utos ang agarang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ni Carina

Inihayag ng pulisya na kidnapping-for-ransom pa rin ang pangunahing banta sa seguridad ng mamamayan sa probinsiya. - Nonoy E. Lacson