Tiniyak ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman na mahahatulan si dating San Miguel, Bulacan Mayor Edmundo Jose Buencamino dahil sa ilegal na pangongolekta ng “pass way fees” at pag-i-impound ng mga delivery truck ng isang mining company noong 2004.
Sa 27-pahinang desisyon na isinulat ni Sandiganbayan Associate Justice Napoleon Inoturan, napatunayang nagkasala si Buencamino sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Hinatulan siyang mabilanggo ng hanggang walong taon at hindi na kailanman maaaring humawak ng anumang puwesto sa gobyerno.
Nakasaad sa desisyon na “Buencamino imposed and collected payment for pass way fee knowing fully well that he is without authority of law, decree, ordinance or resolution to do so.”
Pinatunayan ng Ombudsman na 2004 nang sinimulan ni Buencamino, sa pamamagitan ng dating barangay chairman na si Robert Tabernero, na mangolekta ng P1,000 “pass way fee” mula sa mga mining operator para sa bawat truck na dadaan sa San Miguel.
Isinagawa ang pangongolekta kahit na walang anumang ordinansa o resolusyon na inaprubahan ang Sangguniang Panlalawigan para sa nasabing paniningil at hindi rin naibigay sa kaban ng pamahalaang bayan ang koleksiyon. - Jun Ramirez