Isusulong ang Palarong Pambansa ngayong taon bilang sports tourism event, isang modelo para sa future host na mga probinsiya upang gawin itong mas exciting at mas memorable. Tinitiyak ng isang sports tourism event sa mga atleta ang katanyagan sa kanilang mahihigpit na kompetisyon pati na ang touristic adventures na hindi nila malilimutan habang tinatamasa ng host province ang kikitain sa turismo bunga nito. Unti-unti nang nagkakahugis ang planong ito.
Ang Albay ang magiging punong abala sa susunod na taon at sisikapin nitong magiging kapana-panabik ang sports event na hindi malilimutan. Noong nakaraang taon, nangako si PNoy na susuportahan niya ang paghu-host ng Albay ng 2016 Palaro at inaprubahan kamakailan ang P700 milyong pondo. Nai-release na ang kalahati ng naturang pondo para sa mga preparasyon ng sports facilities. Ayon kay Albay Governor Joey Salceda, naglaan na ng P150 milyon ang pamahalaang panlalawigan bilang dagdag sa inaprubahang pondo. Kabilang sa mga pasilidad na itatayo ay ang Albay Sports Complex sa Guinobatan na may mga pamantayang pang-international at grandstand na kayang tumanggap ng libu-libong manonood.
Balak no Salceda na ipamahagi sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ang 21 event ng palaro upang maranasan din ng mga panauhin ang tourism destinations ng Albay pati na ang specialties nito. Mahigit 15,000 delegasyon ng atleta mula sa 17 rehiyon ang lalahok sa 2016 Palaro. Lalo pang lolobo ang bilang na ito kapag sumama sa delegasyon ang kanilang mga kaibigan at pamilya at iba pang panauhin na manonood ng kompetisyon, na maaaring maglabas ng pera habang nasa Albay na makatutulong sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya.
Hindi lamang sa kikitain sa turismo tututok ang Albay. Makikita sa record na palagiang nasa mas mahusay na ranggo ang Bicol sa Palaro, na umakyat sa ika-12 puwesto noong 2013 sa Dumaguete sa ikasiyam sa Laguna noong 2014 kung saan nakapag-ambag ang Albay ng lima sa siyam na medalyang ginto na tinamo ng Bicol sa mga palaro. Umaasa ito na mapapanatili nito ang momentum sa 2015 Palaro na idaraos sa Tagum City sa Mayo 3-9.