TULUY-TULOY sa pangunguna ang Rated K sa national ratings sa unang quarter ng 2015. Tayming na regalo ito sa pagdiriwang ng 10th anniversary ng top-rating weekly magazine show ng beterana at award-winning broadcast journalist na si Korina Sanchez-Roxas.
Base sa resulta ng national viewership survey ng Kantar Media Philippines, Rated K ang most watched at number one Sunday television program sa bansa mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon. Ang Rated K din ang 5th most watched television show sa buong bansa para sa buwan ng Pebrero, with an impressive and sustained rating of 24.6% viewer share kada Linggo.
Ten years nang consistent ang Rated K sa pagtatampok ng diverse line-up ng mga istroya na sumasalamin sa kulturang Pinoy, mula sa inspiring stories ng celebrities at ordinaryong mga Pinoy hanggang sa latest trends sa technology, food, at fashion hanggang sa kakaibang mga kuwento ng misteryo at kakatakutan at pinakamaiinit na entertainment, lifestyle, at leisure venues sa buong Pilipinas at pati na rin ang nakakatawa at trending events at mga personalidad.
Ang flagship advocacy ng Rated K na Handog Tsinelas Campaign ni Korina ay patuloy namang nagbibigay ng libreng tsinelas sa lahat ng underprivileged na kabataan sa Luzon, Visayas, at Mindanao mula nang itatag walong taon na ang nakakalipas. Ngayon, halos dalawang milyong pares na ng tsinelas ang naipapamigay ni Korina at ng Rated K sa mga batang Pinoy sa buong bansa with the hope of restoring each child’s dignity sa pangarap ni Korina na wala nang bata sa Luzon, Visayas, at Mindanao na maglalakad nang nakapaa.
Sa ika-10 anibersaryo ng Rated K at bilang pasasalamat sa televiewers, lumilibot si Korina sa buong bansa kasama ang kanyang Rated K team sa pamimigay hindi lamang ng tsinelas sa mga bata kundi pati bigas sa mga nangangailangang barangay. Nagbibigay din si Korina ng inspirational messages sa kanyang fans at supporters at sa mga kabataan dahil paborito siyang guest speaker sa mga eskuwelahan.
Nakikipagtulungan din ang Rated K sa Puregold para sa Handog Tsinelas Campaign. Lahat ng supporters ng Handog Tsinelas Campaign ni Korina ay maaaring i-drop off ang kanilang mga rubber slipper donations sa bawat Puregold outlet sa buong bansa.
“Napakalaking blessing talaga na number one pa rin ang Rated K sa timeslot nito sa loob ng sampung taon. Biro ninyo, hindi madali lalo na sa kompetisyon kaya naman proud kaming lahat sa staff. Dapat pasalamatan ko ang executive producer ko na si Stanley Castro, ang buong staff ng Rated K at ang management ng ABS-CBN kasi naniniwala talaga sila sa amin. Ito ang patunay na may malaking balita sa maliliit na buhay at salamat sa inyong lahat kasi ang Rated K ay tungkol sa inyo, para sa inyo, at dahil sa inyo,” sabi ni Korina.
“’Yung pagtulong sa nangangailangan at charity projects namin palagay ko ang dahilan kung bakit sinusuwerte ang Rated K. Kaya lalo pa kaming tutulong. Sobrang happy ko sa suportang ibinibigay ng tao sa Handog Tsinelas Campaign namin at napakarami na ang mga bata na nakakatanggap ng bagong tsinelas. Balak namin din na maging mas interactive – ‘yung Trending Ngayon segment namin tungkol sa mga pinag-uusapan ng mga tao, at yung pagtanggap ng mga sulat galing mismo sa audience namin para personal stories talaga. Basta manonood lang kayo palagi kasi balak naming manatiling number one,” napatawang sey pa ni Korina.
Napapanood ang Rated K tuwing Linggo pagkatapos ng Wansapanatym.