Umaaasa pa rin si Vice President Jejomar C. Binay na mapapagaang pa ang hatol na bitay na ipinataw sa isang Pinay na nagpuslit ng heroin sa Indonesia.
Sinabi ni Binay, na siya ring Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers (OFW) Concerns, na posibleng mapagaang ang parusang kamatayan bunsod ng judicial review na isinasagawa ng Korte Suprema ng Indonesia.
Ito ay matapos mapag-alaman ni Binay na ang Pinay na hinatulan, na nakilalang si Mary Jane Veloso, ay biktima lang ng sindikato ng droga.
“‘Yun naman ho ay fifty-fifty [chance] kasi nga ang nakasabay nito na pinatawan ng execution ay talagang sindikato,” pahayag ni Binay sa panayam sa radyo.
Nais ni Binay na mapagaan sa habambuhay na pagkabilanggo ang parusang kamatayan na ipinataw kay Veloso.
“Talagang ‘yun na ang naging hanap-buhay. ‘Yung sa atin naman, isang biyahe lang ‘yun, supposed to be,” giit ni Binay.
Inihayag ng abogado ni Veloso sa korte na ang kanyang kliyente ay “minanipula at nilinlang” lang upang bitbitin ang bagahe, na naglalaman ng heroin, mula sa Malaysia noong 2010.
Ayon sa ulat ng Indonesian Foreign Ministry, naaresto si Veloso sa Yogyakarta Airport noong Abril 2002 habang may bitbit na 2.6 kilo ng heroin mula Malaysia.
Naghain na ng request for judicial review ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa District Court of Justice ng Sleman, Yogyakarta.
Umabot na sa 80 kaso ng mga OFW ang kasalukuyang nasa death row sa iba’t ibang bansa, ayon kay Binay. Dalawamput pito, aniya, ay nasa Saudi Arabia. (JC Bello Ruiz)