LINGAYEN, Pangasinan - Kinontra ni Father Robert Reyes, na mas kilala sa bansag na running priest, ang naging desisyon ng Pangasinan provincial board na pahintulutan ang pagpuputol ng matatanda o patay na punongkahoy na nakasasakop sa Manila North Road (MNR).

Sinabi ni Reyes na nalulungkot siya sa nasabing pasya ng provincial board, makaraang katigan nito ang pagputol sa may 127 patay na puno sa MNR.

Nauna nang ipinahayag ng provincial board na tanging mga patay na puno lang ang maaaring putulin dahil nagdudulot ito ng panganib sa mga commuter.

Nilinaw naman ng Sangguniang Panglalawigan na hindi maaaring putulin ang puno kung ito ay hindi ikinokonsiderang “dead tree”.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Iginiit ni Reyes na hindi ang provincial board ang dapat na magpasya kung alin sa mga puno sa MNR ang patay na, kundi ang isang eksperto sa punongkahoy.

Sinabi ni Reyes na bilang pinuno ng grupo ng environmentalist o green research ay ipagpapatuloy niya ang laban kontra sa pagputol sa mga puno sa MNR.

Hahamunin din, aniya, ang mga pulitiko na tukuyin kung sila ba ay sa green team o sa black team.

“Politics in the Philippines is not green, it’s greed,” sabi ni Reyes.

Naniniwala si Reyes na kulang sa malasakit sa kalikasan ang karamihan ng pulitiko, partikular sa lalawigan, kaya ganun na lang ang naging desisyon sa mga puno sa MNR. (Liezle Basa Iñigo)