Pinaigting ng employer ang paghahanap sa siyam na dayuhan nitong manggagawa, kabilang ang apat na Pinoy, na dinukot ng mga armadong lalaki sa Al-Ghani oil field sa Central Libya noong Marso 6.

Sinabi ng Value Added Oilfield Services (VAOS), Ltd. na ginagawa nila ang lahat upang matukoy ang kinaroroonan ng apat na overseas Filipino worker (OFW) para ligtas na makauwi ang mga ito sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas.

Bukod sa mga Pinoy, dinukot din ng armadong grupo ang dalawang Bangladeshi, isang Ghanian, isang Czech at isang Austrian.

Ayon naman kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Charles Jose, puspusan ang pakikipag-ugnayan ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli sa employer ng mga dinukot na Pinoy upang matiyak na ligtas na mapapalaya ang mga ito.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Tumanggi ang VAOS na pangalanan ang apat na OFW para maiwasan ang masyadong pag-aalala ng pamilya ng mga ito.

Hanggang ngayon ay wala pang grupo na umaako sa pagdukot at wala pa ring ransom demand na natatanggap ang employer.

Tumutulong sa search operations ang mga kinauukulang embahada, kabilang ang ipinadalang Austrian at Czech crisis teams sa Libya.

Samantala, dinala sa headquarters sa Tripoli ang 52 pang Pinoy na nagtatrabaho sa nasabing oil field na inilikas, at 36 sa mga ito ay nagpahiwatig ng pagnanais na makauwi sa Pilipinas.

Nagpapatuloy ang mandatory repatriation ng gobyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ng embahada nito sa Tripoli, sa mahigit 4,000 Pinoy sa Libya.