Nakakuha ng matinding suporta ang Philippine women’s Under 23 na nakatakdang sumabak sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Under 23 Volleyball Championships mula kay sports patron at businessman na si Manuel V. Pangilinan.

Ito ang inihayag ni Philippine Olympic Committee 1st Vice-president at Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) president Jose “Joey” Romasanta matapos ang malalimang pagpupulong nina national coaches Roger Gorayeb at Sammy Acaylar kay POC president Jose “Peping” Cojuangco.

Bahagyang inilihim ni Romasanta ang ibibigay na tulong ni MVP bagamat isa na dito ang pagbabayad sa matagal na utang ng Pilipinas sa kinaaanibang internasyonal na pederasyon na FIVB at pagsuporta sa pagsasagawa ng ilang internasyonal na torneo ng bansa na tulad ng World Volleyball Grand Prix.

Iniutos mismo ni Cojuangco kina Acaylar at Gorayeb na agad buuin ang mga manlalaro sa kababaihan at kalalakihan upang makumpleto at umabot sa deadline ang pagsusumite ng pangalan sa Abril 1.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ilan sa pinagpipilian ay ang magkapatid na sina Dindin at Jaja Santiago, Kim Fajardo, Mika Reyes, Alyssa Valdez, Bea de Leon, Jia Morado, Gretchel Soltones, Alyssa Eroa, Marivic Meneses, EJ Laure, Myla Pablo, Fatima General, Rica Diolan, Christine Joy Rosario, Mylene Paat, Christine Agno, Mary Joy Palma at Nicole Tiamzon.

Una nang isinagawa ang drawing of lots para sa Women’s U23 kung saan ay napasama ang Pilipinas sa pinakamabigat na grupo sa pagbabalik ng internasyonal na torneo na Asian U23 Women’s Volleyball Championship sa Mayo 1 hanggang 9 sa Cuneta Astrodome.

Makakasama ng Pilipinas, na awtomatikong inilagay sa Group A bilang host country, ang powerhouse na Kazakhstan at Iran sa unang torneo na nakataya ang tiket sa gaganaping FIVB World U23 Women’s Championship sa Ankara, Turkey sa 2016.

“Nothing is impossible if we put our hearts and service to the country,” pahayag ni Acaylar hinggil sa tsansa ng Pilipinas kontra sa unang makakalaban na Kazahkstan at Iran.