Kasabay ng pagbasura sa apela ng Pilipinas Shell, hindi rin pinagbigyan ng Korte Suprema ang motion for clarification na inihain ng kumpanyang Chevron sa isyu ng Pandacan oil depot.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, walang naipakitang bagong argumento ang Shell kaya ibinasura ng hukuman ang motion for reconsideration nito.
Ibinasura naman ng hukuman ang motion for clarification ng Chevron dahil tutol ang korte sa argumento nito na kapag naialis na sa Pandacan ang mga produktong petrolyo ay maaari pa ring manatili ang pasilidad nito sa lugar.
Binigyang-diin ng hukuman na ang pag-aalis o relokasyon ng mga oil depot ay nangangahulugan ng kumpletong pag-aalis ng mga pasilidad ng mga oil company sa Pandacan terminal at ito ay dapat na maging bahagi ng komprehensibong plano at relocation schedule.
Ayon sa korte, walang lugar ang mga oil depot sa isang komunidad na maraming populasyon.
Tinukoy pa ng korte ang bahagi ng kasaysayan sa Pandacan terminal nang kumalat ang sunog sa halos buong lungsod ng Maynila nang mag-apoy ang fuel storage dump sa Pandacan noong Disyembre 1942.
Pinaalalahanan din ng Korte ang Petron, bilang tugon sa inihain nitong manifestation noong Nobyembre 30, 2010, na hindi pinayagan ng hukuman na ikonsidera ang Enero 2016 bilang hiwalay na deadline sa pagsunod sa desisyon ng korte.
Nanindigan pa ang hukuman na ang pasya nila sa kaso ng Pandacan oil depot ay pinal na at wala na silang tatanggaping pleading o mosyon na may kinalaman sa nasabing kaso sa hinaharap.