Tuloy ang pagtatrabaho ni Makati si Mayor Jun-Jun Binay sa kabila ng ipinataw na anim na buwang suspensiyon ng Ombudsman kaugnay pa rin sa umano’y iregularidad sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2.

Inihayag ng abogado ni Mayor Jun-Jun na si Atty. Claro Certeza na karapatan ng alkalde na manatili sa puwesto upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang halal na opisyal hanggang sa makapagpasya ang Court of Appeals na maglabas ng temporary restraining order (TRO).

Kinumpirma ng abogado na naihain na ang petition for certiorari sa CA at hiniling ng kampo ng Binay na galangin ang nasabing petisyon at hayaang magpatuloy si Mayor Jun-Jun sa pagtatrabaho bilang alkalde ng Makati.

“Si Mayor po, ‘di nilalabag ang batas ngunit ginagawa rin niya lahat sa loob ng batas upang labanan itong napakamaling issuance ng kanyang suspension order,” pahayag ni Certeza.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pulong-balitaan kahapon bago tanghali muling iginiit ni Mayor Binay na hindi niya tatanggapin ang suspension na tinawag nitong “special express suspension” at hindi siya papayag na isang kaalyado ng administrasyon ang papalit sa kanyang puwesto.

Magdamag na nanatili si Mayor Binay kasama ang kanyang ama na si Vice President Jejomar C. Binay sa city hall.

Nabatid na ang bise-alkalde ng Makati ngayon ay si Kid Peña na miyembro ng Liberal Party (LP) na posibleng pumalit sakali sa babakantehing puwesto ni Mayor Binay kapag naisilbi ang nasabing suspension order.