NATAPOS na ang contract ni Eric Quizon as actor/director TV5, pero hindi muna siya tumanggap ng network contract, gusto muna niyang bumalik sa acting dahil na-miss niya ito pagkatapos ng sunud-sunod na pagdidirek ng TV drama series sa GMA-7 at TV5.

Eric Quizon Open siya sa offers na per project lamang dahil patuloy pa rin siya sa pagha-handle ng events sa Hong Kong kung weekend.

“Binigyan naman ako ng ABS-CBN ng chance na umarte, pero guest role lang,” nakangiting kuwento ni Eric sa special presscon na ibinigay ni Ms. Dolor Guevarra, manager nila nina Zoren Legaspi at Carmina Villarroel.

“Gumanap lang akong father ni Janella Salvador sa Oh, My G dahil binigyan din ako ng ABS-CBN ng first teleserye ko as director sa kanila, ang Passion de Amor. Every now and then, nagdidirek din ako ng episodes ng Ipaglaban Mo at Maalaala Mo Kaya. Sa GMA-7 ako maraming naidirek na soaps like Darna at Asian Treasures with Angel Locsin at iba pang shows doon. Sa TV5, ginawa ko ang Babaeng Hampaslupa, Glamorosa at Enchanted Garden. Nang lumipat si Daddy (Dolphy) sa TV5, dinirek ko ang Pidol In Wonderland.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ang Passion de Amor, ay Pinoy adaptation ng isang Colombian telenovela at mga seksi lahat ang mga artista ko, like Ellen Adarna, Coleen Garcia, Arci Munoz, Jake Cuenca, Ejay Falcon at Joseph Marco na very professional and very cooperative. Medyo mahirap ang location, sa Bataan, pero lumipat na kami sa Metro Manila, kaya mas mabilis na kami ngayong mag-taping. Tapos na kami para sa three weeks airing.”

Nang umakyat kami ng Baguio three weeks ago, isa sa mga nakasama naming kaibigan na tagaroon ay nagsabing mabilis daw naibenta ang orange plantation ni Dolphy doon sa Baguio, kaya kinumusta naming kay Eric ang tungkol sa auction ng properties ng kanilang ama na sabi’y hindi natuloy noong January 31, 2015.

“Natuloy naman, maayos na at naging private na lamang ang auction namin dahil ilan sa buyers are really very private at hindi totoo na palugi ang benta namin. Lahat ng nasa catalogue, mas mataas pa kaysa starting price namin naibenta, kaya nga ipina-auction namin. But, hindi biro ang ibinabayad naming real estate and inheritance taxes, madugo talaga. Gusto ko ring linawin na hindi kasama rito ‘yung house and lot nina Dad at Zsa Zsa (Padilla) sa Marina Bay na doon nakatira si Zsa Zsa at mga anak nila ni Dad na sina Zia at Nicole. Tinanong ko sila if they want to sell and they said no, they want to keep it. Every now and then, lagi pa rin kaming nag-uusap ni Zsa Zsa dahil ako nga ang binigyan ng power ni Dad na mag-administer sa mga naiwanan niya.

“Nakakatuwa naman na lahat ng mga kapatid ko ay walang nagreklamo dahil bawat maibenta naming property, pinag-usapan at pinagkaisahan namin ang pagbebenta. Kaya part of the proceeds ay gagamitin namin sa pagpapatayo ng Dolphy Museum sa isang property niya doon sa Tanay. Parang small resort with bed and breakfast. Lahat ito, ikinonsulta namin kay Zsa Zsa and it’s with her approval.”

Alam ba nilang magkakapatid ang balak ni Zsa Zsa na magpakasal sa boyfriend nitong si Arch. Conrad Onglao? Kinonsulta ba sila ni Zsa Zsa?

“Hindi naman kailangan. She can make her own decisions. Nakilala ko na si Mr. Onglao and he’s a very nice guy. Sigurado namang ipaaalam sa amin ni Zsa Zsa kung kailan sila magpapakasal, dahil may communications naman kami sa kanya.”