CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga – Isinusulong ang isang special moratorium sa travel tax upang hikayatin ang publiko na bumiyahe mula sa Clark International Airport (CRK) sa halip na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Sinabi ni Clark International Airport Corp. (CIAC) President Emidgio Tanjuatco na nakikipag-usap na sila sa Department of Tourism (DOT) sa posibilidad na i-exempt ang mga pasahero ng CRK sa pagbabayad ng travel tax bilang bahagi ng marketing strategy ng Central Luzon hub bilang mas mainam na alternatibo sa NAIA.
“We are coordinating with the DOT about the possibility of imposing a moratorium on the imposition of travel tax here in CRK. If DOT agrees to the proposed moratorium, passengers will be encouraged to fly through Clark,” ani Tanjuatco.
Saklaw ng travel tax ang mga Filipino citizen, mga permanent resident alien, at mga non-resident alien na mahigit isang taon na sa bansa. Bago bumiyahe, inoobliga silang magbayad ng P2,700 para sa mga first class passenger o P1,620 sa economy passengers.
Gayunman, sinabi ng mga kinatawan ng DOT na nasa consultative meeting sa CRK stakeholders nitong Lunes na sa Office of the President dapat idinudulog ang nasabing panukala, dahil na rin sa mga legal at pinansiyal na implikasyon nito.
Idinisenyo ang CRK para tumanggap ng apat na milyong pasahero taun-taon. Gayunman, nasa 1.2 milyong pasahero lang ang pinagsilbihan nito noong 2013, na bumaba pa sa 877,757 noong 2014.
Itinuturing na pinakamalaking international airport sa bansa sa lawak na 2,367 ektarya ng aviation complex bukod pa sa 2,033-ektaryang industrial hub, may 114 na flight lang ang CRK kada linggo, kumpara sa 900 na lingguhang average flight ng 400-ektaryang NAIA. - Kris Bayos