Nababalot pa rin sa kawalan at debate kung sino ang tatanghaling 2015 top overall pick sa gaganaping Philippine Superliga (PSL) Annual Rookie Draft sa 3rd level ng SM Aura sa Taguig City ngayon.
Dahil sa paglahok ng mga mahuhusay na Filipino-Americans, lumalalim ang isasagawang draft kung saan ay inaasahang mag-aagawan ang mga koponan sa mga kinukonsiderang de-kalidad na talento upang mapalakas ang kanilang komposisyon sa paghataw PSL All-Filipino Conference sa Marso 22 sa Mall of Asia Arena.
Ang mahirap hanapin na setter na si Iris Tolenada ang isa sa napipintong maging top overall pick dahil sa bitbit nitong impresibong kredensiyal matapos na maging unang manlalaro ng San Francisco State University na kinilala bilang Most Valuable Player sa matinding kompetisyon sa California Collegiate Athletic Association (CCAA).
Makikipagsabayan naman sa unang mapipili sa ikalawang edisyon ng pre-season tournament na magsisimula sa ganap na alas-4:00 ng hapon na suportado nina Taguig City Mayor Lani Cayetano at sa pakikipagtulungan nina Cong. Lino Cayetano at SM Management, si Alexa Micek, na isang magandang open hitter na mula sa North Carolina State.
Ang 23-anyos na si Micek ay hindi na iba sa torneo sa bansa dahil ang nakababata nitong kapatid na si Cole ay isa sa mga mahuhusay na manlalaro na nakuha ng Ateneo de Manila men’s basketball team para isabak sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Gayunman, matinding hamon naman para sa top draft ang mga homegrown na sina middle blocker Angeli Araneta ng University of the Philippines (UP), libero Rica Enclona at open hitter Therese Veronas ng College of Saint Benilde (CSB), middle blocker na si Desiree Dadang at open hitter na si Rizza Mandapat ng National University (NU).
Ang libero na si Denise Lazaro ng Ateneo, na isa sa kinagigiliwan ngayon dahil sa nakakaakit na kagandahan, ay kasama din sa pagpipilian ng mga koponan at inaasahang magbibigay suporta sa kanyang mga tagasunod.
“Unlike last year when Dindin Santiago and Aby Marano were clear-cut favorites, this year’s draft is full of suspense as team managers and coaches are keeping their cards close to their chests,” sinabi ni PSL president Ramon “Tats” Suzara habang ipinaliwanag na sina Santiago at Marano ay agad gumawa ng kanilang marka matapos pamunuan ang kanilang mga koponan sa kampeonato sa kanilang unang taon pa lamang sa liga.
“These girls will be the future stars of volleyball. They may be young, but they are already overflowing with talent and potential. We couldn’t wait to roll out the red carpet for these fresh faces,” pahayag ni Suzara.
Ang Philips Gold (dating Mane ‘N Tail) ang nagmamay-ari ng top overall pick habang kasunod ang Foton, Cignal, Shopinas, Shacman at ang Grand Prix champion na Petron. Ito din ang susundin sa pagpapatuloy ng pilian sa ikalawang ikot.
Ang iba pang nasa draft pool ay ang setter na si Djanel Cheng ng Saint Benilde, Diane Ticar ng Arellano University (AU) at Ivy Perez ng NU at maging ang open hitter na si Samantha Dawson ng Far Eastern University (FEU).