ZAMBOANGA CITY - Kritikal ngayon ang isang tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (SAF) matapos mabaril ng kanyang kabaro sa kainitan ng kanilang pagtatalo sa loob ng kanilang barracks sa Barangay Upper Calarian sa siyudad na ito noong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Senior Insp. Hingming Lajaali ang biktima na si PO3 Brendonlord Supetran, 31, habang ang suspek ay nakilalang si PO3 Benwel Jupuri, 37, kapwa nakatalaga sa 84th Special Action Company (SAC) sa Lopez Subdivision, Upper Calarian.

Sinabi ni Lajaali na isinugod si Supetran sa Zamboanga Doctors’ Hospital ng kanyang kasamahan matapos magtamo ito ng tama ng bala sa tiyan.

Lumitaw din sa imbestigasyon na kapwa lango sa alak ang dalawang commando nang biglang magkainitan sa isyu ng madugong insidente sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 kung saan 44 sa kanilang grupo ang brutal na napatay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Generals nag-walk out daw sa isang command conference; AFP, nagsalita na

Nagsuntukan pa umano ang dalawa bago binaril ni Jupuri ang biktima gamit ang kanyang 9mm service pistol. (Nonoy Lacson)