Nahaharap ngayon sa kasong kriminal sina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya dahil sa umano’y kawalan ng aksiyon sa aplikasyon sa prangkisa ng isang bus company.

Kasama si Transportation Assistant Sherielysse Bonifacio, inakusahan ang tatlo ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Anti-Red Tape Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sa 13-pahinang reklamo, sinabi ni Rufico Go na kinasuhan niya sina Roxas at Abaya sa Department of Transportation and Communication (DoTC) dahil inupuan umano ng mga ito ang kanyang aplikasyon sa prangkisa ng halos tatlong taon kahit pa inendorso nito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Binigyang diin ni Go na hindi pangkaraniwan ang aplikasyon para sa prangkisa ng kanyang 1,000 bus dahil gagamit ang mga ito ng compressed natural gas (CNG) na isinusulong ng gobyerno base sa Executive Order No. 290 na inaprubahan ng noo’y Pangulong Arroyo sa pagpapatupad ng Clean Air Act.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Naniniwala si Go na maitutulong ng mga bus na tumatakbo sa CNG laban sa problema sa polusyon sa bansa.

Kung hindi aniya karapat-dapat na mabigyan ng prangkisa ang kanyang mga bus, binigyang diin ni Go na dapat agad na itong dinesisyunan ng Department of Transportation and Communication (DoTC) at ipinaalam sa kanya.

Ipinaliwanag ni Go na maituturing na nilabag ang Red Tape Law kung hindi inaaksiyunan ng isang kawani o opisyal ng gobyerno ang isang petisyon o aplikasyon sa loob ng 10 araw. (Jun Ramirez)