Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa pagdukot sa isang kasisilang pa lamang na sanggol sa isang ospital sa Quezon City noong Linggo.
Kinunan na ng salaysay ng NBI Anti-Organized Transnational Crime Division, na pinamumunuan ni Manny Eduarte, ang mag-asawang Ronel at Glenda Salvador matapos maiulat na nawawala ang kanilang unang sanggol matapos ito iluwal noong Marso 5 sa Dr. Montano Ramos General Hospital sa Quezon City.
Ayon kay Eduarte, nakakuha ang NBI ng video footage mula sa closed-circuit television (CCTV) camera ng ospital na posibleng makatulong sa pagtukoy sa pagkakilanlan ng isang babae na tumangay sa sanggol.
“Nakita natin sa video na may isang babae ang pumasok at lumabas sa ospital na may kakaibang ikinikilos. May dala rin siyang bag at puting damit na parang sa doctor,” pahayag ni Eduarte.
Ayon sa NBI official, nakunan ng CCTV habang nagmamadaling umalis ang babae sa ospital at sumakay ng taxi.
Sa panayam, sinabi ni Glenda na pinangalanan niya ang kanyang nawawalang sanggol na lalaki bilang “Cyrone.”
Aniya, huli niyang nakapiling si “Cyrone” noong Linggo bago siya lapitan ng isang babae na nakasuot ng uniporme ng doktor at sinabihan siya na kanilangan bigyan ng bakuna ang kanyang sanggol.
Ilang oras matapos niyang makausap ang babae ay nawala na si “Cyrone” mula sa kinalalagyan niyang crib.
“Minsan parang naririnig ko ang iyak niya. Lagi ko siya (Cyrone) iniisip,” pahayag ni Glenda.