Sure ako na alam mo na ang paninigarilyo at ang pagbibilad sa sikat ng araw ay magpapakulubot ng iyong balat, kaya mabuti na lang hindi ka naninigarilyo at nag-iingat ka sa pagkabilad nang matagal. Hindi ka rin mahilig sa matatamis. Hindi mo rin pinapagod ang iyong sarili, kahit involved ka pa sa matinding sports. Ayaw mo ng stress at regular kang nag-e-exercise. Madalas ka ring makihalubilo sa iyong mga kaibigan na kaedad mo at mas bata kaysa iyo. Magana kang kumain ng gulay at prutas. Mahimbing kang matulog. Tinatanggal mo ang taba sa karneng ulam. Hindi mo dinidibdib ang iyong mga problema.
Ngunit kung nagsisikap kang pigilan ang kamay ng orasan o pabagalin ang paghakbang ng panahon, huwag mong isaalang-alang ang ilang habit na nagsasabotahe ng iyong pagsisikap. Narito ang ilan sa maaaring ginagawa mo na magpapatanda sa hitsura mo agad:
Nagpupuyat ka na para kang naglalamay sa patay. – Karaniwan na ngayong panahon na abala sa dami ng trabaho at gawain sa bahay ang isang propesyunal. Sinisikap nating gamitin ang lalim ng gabi sa iba pang gawaing hindi natin natapos sa buong hapon. Ito ay isang paraan upang aksayahin ang mahahalagang oras ng pagtulog. Hindi na kailangang ulit-ulitin sa pagpapaalala na masama sa kalusugan ang pagpupuyat. Maaaring tumaas ng blood pressure mo, o magkaroon ka ng diabetes. Maaaring tumaba ka at magmukhang laging pagod at mas matanda kaysa iyong edad.
Hindi ibig sabihin nito ay kailangan mo na maperpekto mo ang walong oras na pagtulog gabi-gabi. Ngunit kapag ginawa mong prayoridad ang pagtulog nang mahimbing sa bawat gabi, pasasalamatan ka ng iyong katawan. Iba-iba ang pangangailangan ng bawat isa sa pagtulog. Upang malaman mo kung ilang oras dapat ang iyong itulog, huwag mong i-set ang alarm clock at matulog ka. At kapag gumising ka na matapos ang mahimbing na pagkatulog, makikita mo ang bilang ng oras ng natural mong pagtulog. Karamihan sa atin ay nangangailangan ng pito hanggang walong oras ng pagtulog.
Marami pa sa susunod.