SAN ANTONIO (AP)– Nagtala si Kawhi Leonard ng 24 puntos, 11 rebounds, at napantayan ang career-high na 5 steals upang tulungan ang San Antonio Spurs sa gitgitang second half na labanan at talunin ang Toronto Raptors, 117-107, kahapon para sa kanilang ikaanim na sunod na panalo.
Nagdagdag si Tony Parker ng 23 puntos at 9 assists, habang si Danny Green ay nagtala ng 5-for-6 sa 3-pointers tungo sa kanyang 19 puntos para sa San Antonio.
Natalo ang Toronto ng apat na sunod sa kabila ng 32 mula kay Kyle Lowry at 21 kay DeMar DeRozan. Si Amir Johnson ay mayroon namang 16 puntos at 14 rebounds.
Si Tim Duncan ang nakakuha ng unang basket sa laro mula sa follow-up ng kanyang sariling block, may 19 segundo pa lamang sa laro, matapos na mabigo siyang makakuha ng field goal sa unang pagkakataon sa kanyang career sa huling laban ng San Antonio.
Inilabas si Duncan sa laro, may isang minuto pang nalalabi sa laro, na hawak ang kanyang siko matapos na bumagsak sa kanya ang kakamping si Tiago Splitter sa ilalim ng basket. Siya ay nagtapos na may 12 puntos at 13 rebounds sa loob ng 36 minutong paglalaro.
Nagkaroon ang Toronto ng 24-9 run na nag-umpisa sa kalagitnaan ng third quarter, tinapyas ang bentahe ng San Antonio sa 82-71. Binuksan ni DeRozan ang paghahabol sa isang dunk at nagtala ng 11 puntos sa nasabing pag-atake.
Nagawang malampasan ng Spurs ang late surge ng Raptors sa likod nina Leonard at Parker.
Resulta ng ibang laro:
Indiana 118, Orlando 86
New Orleans 111, Brookl;yn 91
Cleveland 127, Dallas 94
San Antonio 117, Toronto 107