Nanindigan si Justice Secretary Leila De Lima na hindi biktima ng political persecution si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo (GMA).
Ginawa ni De Lima ang pahayag kasunod ng inihaing kaso ng international human rights lawyer na si Amal Alamuddin Clooney laban sa gobyerno ng Pilipinas sa United Nations Working Group on Arbitrary Detention dahil sa patuloy na pagkakapiit ni GMA sa kabila ng kanyang kundisyon.
Sinabi ng kalihim na hindi pa natatanggap ng gobyerno ng Pilipinas ang notice ng kasong inihain ni Alamuddin sa tanggapang nasa ilalim ng UN Commission on Human Rights.
Magkagayunman, binigyang diin ng kalihim na ang patuloy na pagkakapiit ni GMA ay hindi paglabag sa kanyang human, civil at political rights.
Si GMA ay nasa ilalim ng hospital arrest sa bisa ng kautusan ng Sandiganbayan First Division matapos nitong ibasura ang motion for bail ng kongresista kaugnay ng kasong plunder na kanyang kinakaharap dahil sa umano’y anomalya sa paggamit ng intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong siya pa ang pangulo ng bansa.
Ayon kay De Lima, ang pagkakapiit ni GMA ay dumaan sa legal na proseso at ibinatay sa merito matapos mabigo ang kampo ng dating pangulo na patunayang mahina ang ebidensiya laban sa kanya.
Sinabi na dapat malinaw na nakasaad sa reklamo ni Clooney kung sinu-sino ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na kanyang inaakusahang lumabag sa karapatang pantao ng dating Pangulo.