Muli ang dole-out o kawanggawa ng gobyerno na Conditional Cash Transfer (CCT) program, na kilala rin bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay nasa sentro ng pagtatalo ng publiko. Sapagkat hindi kuntento sa lumalaking taunang pondo para sa programa, isang kongresista ang naghain ng isang bill upang gawin itong institusyon. Kapag naaprubahan ng Kongreso ang House Bill 5390, makakukuha ang health beneficiaries ng CCT ng P500 bawat buwan kada pamilya o sa kabuuang P6,000 bawat taon. Tatanggap ang education grant beneficiaries ng P300 bawat buwan para sa mga batang naka-enroll sa day care, pre-school, elementary, at high school kada school year – or P3,000 sa isang taon – para sa maximum na tatlong anak.

Lumaki nang paunti-unti ang CCT budget sa loob ng maraming taon kaya para sa 2015, ang total budget ay P64.7 bilyon, na mas mataas kaysa P62.6 bilyon noong nakaraang taon. Lumutang ang mga katanungan tungkol sa pangangasiwa sa naturang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kabilang ang mga paratang na may ilang benepisyaryo ang hindi naman talaga mula sa maralitang mga pamilya. Nangangamba ang mga leader ng oposisyon na gagamitin ang CCT upang makaakit ng boto sa darating na eleksiyon.

Ngunit ang mas solidong dahilan na inilutang ng mga solon ng oposisyon ay may kinalaman sa dahilan ng pagkakaroon ng CCT program. Ang iniharap na layunin nito ay ang ayudahan ang maralita ng bansa, na tulungan ang mga itong makatawid sa mahigpit na panahon, hanggang sa makaya na ng mga ito na mamuhay nang sarili.

Gayunman, lumilitaw na ang dole-out program na ito ay kakaunti lang ang nagawa upang mapababa ang bilang ng mahihirap na pamilya sa bansa. Noong 2002, nagtakda ang United Nations ng walong Millennium Development Goal (MDG) na dapat matamo pagsapit ng 2015. Kabilang sa mga goal na ito ay ang puksain ang sobrang kahirapan at kagutuman. Isang tiyak na target nito ang itinakda: Sa pagitan ng 1995 at 2015, kalahatiin ang bilang ng tao na namumuhay sa mababa pa sa $1.25 (halos P53.00) bawat araw.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang bahagi ng maralitang pamilyang Pilipino – 34.4% noong 1991 – ay kailangang mangalahati sa 17.2% ngayong taon. Ngunit sa pinakahuling statistics sa bagay na ito ang nagsasabi na ang bahaging ito ay nasa 25.2% pa rin. Ang MDG sa kahirapan ay hindi pa natutugunan ng Pilipiinas. Mayroon pa rin tayong 25 milyon katao na namumuhay nang mababa sa poverty line.

Maaari ngang nakatutulong ang CCT ngunit malinaw na hindi ito kasagutan sa problema ng kahirapan sa ating bansa. Kailangan natin ng higit pa sa programang ito ng kawanggawa ng gobyerno. Kailangan natin ng jobs program. Kailangang gawin nating malawak ang ating economic growth – na pumalo sa 7.2% noong 2013 – upang maramdaman ng maralita, ang 25% na nabubuhay nang mababa sa poverty line.

Ang isang programang nakatutok sa agrikultura, na magbibigay ng trabaho sa higit pa sa sangkatlo ng mga manggagawa sa bansa, ay maaaring isang malaking factor. Gayundin ang isang pangunahing infrastructure building program. Maaaring manatili ang CCT program para sa pinakamahihirap sa mahirap, ngunit ang kahit na anong bagong pondo ay mas mainam na ipanustos sa agrikultura, sa pagawaing bayan, sa serbisyo, sa manufactring at exports, sa kahit na anong programa para sa paglikha ng maraming trabaho.