Binuksan na ng Philippine National Police (PNP) ang bidding sa pagbili ng 743 submachine gun sa halagang P133.74 milyon bilang bahagi ng modernisasyon ng pulisya.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Public Information Officer Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. na bukas na ang pulisya sa mga interesadong bidder, local man o foreign, base sa inilatag na kondisyon kaugnay ng implementing rules and regulations ng RA 9184 o Government Procurement Reform Act.

Magsisimula ang bidding dakong 9:00 ng umaga sa Abril 17 sa PNP main conference room sa Camp Crame, Quezon City.

Base sa IRR, sinabi ni Cerbo na dapat makumpleto ang delivery ng mga baril sa loob ng 150 calendar days, na dalawang batch matapos aprubahan ang permit—400 baril sa unang batch sa loob ng 90 calendar days at pangalawang batch ng 343 baril sa natitirang araw ng 150 calendar days.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bago ang deadline sa pagsusumite ng mga bid, tatanggap ang National Headquarters-Bids and Awards Committee (NHQ-BAC) ng mga aplikasyon mula Lunes hanggang Miyerkules, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, upang makapagparehistro ang mga manufacturer, supplier, distributor at contractor sa pagbili ng baril.

Makukuha ng mga interesadong bidder ang kumpletong set ng dokumento sa bidding mula Marso 4 hanggang Abril 17 matapos bayaran ang non-refundable fee na P50,000.

Maaari ring i-download ang mga dokumento sa website ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) at PNP website www.pnp.gov.ph subalit kailangan pa ring bayaran ng mga bidder ang mga dokumento bago nila maisumite ang kani-kanilang bid.

“The pre-bid conference would be held at the PNP main conference room on March 17, 9:00 a.m. at PNP main conference room,” pahayag ni Director Juanito Vaño, Jr., chairman ng PNP Bids and Awards Committee (BAC). - Elena Aben