Hindi ko malilimutan ang anak ng isang kapatid sa media na nagtapos ng high school sa isang paaralan sa Isabela, may ilang taon na rin ang nakalilipas. Nakasuot lamang siya ng simpleng school uniform nang siya ay tawagin sa entablado upang tanggapin ang kanyang diploma at isang medalyang ginto; kaakibat ito ng masigabong palakpakan mula sa kanyang mga co-graduate na nakasuot ng mga toga. Itinanghal na valedictorian ang naturang high school graduate.

Ang nabanggit na anak ng ating kapatid sa propesyon ay sumasagisag sa panawagan ng Department of Education hinggil sa pagdaraos ng karaniwan subalit makahulugang graduation rites. Naglalayon ito na itanghal ang kahalagahan ng kalidad ng edukasyon sa paghubog ng marangal na kinabukasan para sa mga kabataang Pilipino. Hangarin din nito na pagaanin ang pasanin ng mga magulang sa nakagawiang maluhong graduwasyon, lalo na sa mga pribadong paaralan; lalo na nga ngayong hindi naman bumababa ang antas ng karalitaan na lalo pang pinalulubha ng patuloy na pagtaas ng presyo hindi lamang ng mga bilihin kundi maging ng tubig at kuryente.

Ang halimbawang ipinamalas ng nabanggit na bagong high school graduate ay tiyak na ipagkikibit-balikat ng ilang sektor ng sambayanan. Naniniwala sila na ang pagtatapos – sa elementarya, mataas na paaralan at sa kolehiyo – ay minsan lamang dumarating sa buhay ng mga estudyante. Kaya’t marapat lamang na ito ay paghandaan at ibigay ang hilig, wika nga, ng mga magtatapos upang lalo namang maging memorable at makatuturan ang nasabing okasyon. Nararapat nga naman.

Bigla kong naalala ang isa pang anak ng aking dating kamag-aral. Mula sa pagtatapos sa elementarya, high school at kolehiyo, hindi niya naranasang dumalo sa graduation rites. Wala siyang magamit na angkop na kasuotan dahil sa karalitaan. Minarapat na lamang niyang magmukmok sa kanilang bahay.

Mapayapa, nagkakaisang Pilipinas 'di matitinag, babangon sa gitna ng hamon—VP Sara

Ang mga graduate, kabilang na ang kanilang mga magulang, ay may kanya-kanyang pananaw sa graduation rites; hindi ito isang barometro sa pagtatamo ng karunungan.